Calendar
Garin isinusulong pagbabalik ng MAIFIP sa MAP
Upang mapadali ang pagkuha ng tulong medikal
ISINUSULONG ni Deputy Speaker at Iloilo 1st District Representative Janette Loreto-Garin, MD, ang pagbabalik ng Medical Assistance to Indigent and Financially-Incapacitated Patients (MAIFIP) sa orihinal nitong tawag na Medical Assistance Program (MAP), upang mabawasan ang mga hadlang sa pagkuha ng tulong medikal mula sa pamahalaan.
Unang binuo ang programa noong panahon ni Garin bilang kalihim ng Department of Health (DOH), sa ilalim ng pangalang Medical Assistance Program (MAP), upang makatulong sa pagsagot sa malaking gastusing medikal na direktang binabayaran ng mga pasyente at maibsan ang mabigat na epekto ng pagkakasakit sa pinansiyal na kalagayan ng mga indibidwal at pamilya.
Ayon kay Garin, ang kalaunang pagdaragdag sa pangalan ng mga salitang “indigent” at “financially incapacitated” ay nagresulta sa karagdagang mga kinakailangang dokumento, na lalo pang nagpabigat sa mga pasyenteng dumaranas na ng suliraning medikal at pinansiyal.
“Kapag may sakit na ang isang tao at nahihirapan na siyang pinansyal, hindi na natin dapat dagdagan ang kanyang problema sa pamamagitan ng napakaraming dokumento. Ang layunin ng medical assistance ay matulungan ang pasyente, hindi pahirapan siya,” ani Garin.
Sa pagbabalik sa MAP, mas mapapasimple ng pamahalaan ang mga kinakailangang dokumento, mababawasan ang mga hadlang sa proseso ng pagkuha ng tulong, at mas mapalalawak ang access sa tulong para sa pagpapaospital, mga gamot, diagnostic tests, mga medikal na pamamaraan at iba pang mahahalagang pangangailangang pangkalusugan. Gayunman, pananatilihin ang mga angkop na pananggalang at mekanismo ng pananagutan alinsunod sa mga alituntunin ng DOH.
Sinabi ni Garin, na dating nagsilbi bilang kalihim ng Department of Health, na dumaan na sa iba’t ibang pagbabago ang programa sa ilalim ng magkakaibang administrasyon, ngunit nananatili ang pangunahing layunin nito: tulungan ang mga Pilipino na makayanan ang gastusing dulot ng pagkakasakit.
“Noong ako ang Secretary of Health, sinimulan natin ang MAP dahil nakita natin kung gaano kabigat ang gastos sa pagpapagamot para sa mga pamilya,” aniya.
Binigyang-diin ni Garin na hindi layunin ng panukalang pagbabago na alisin ang mga mekanismo ng pananagutan, kundi tiyaking mas tumutugon ang pagbibigay ng tulong sa aktuwal na pangangailangan ng mga pasyente.

