BBM

2027 nat’l budget di pwedeng lumampas sa halagang ipinanukala ng Pangulo — SP

15 Views

HINDI puwedeng lumampas sa halagang ipinanukala ng Pangulo ang 2027 national budget, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.

Tinatanggal din aniya ng Senado ang mga proyektong walang detalye.

Ito raw ang susundin ng Senado batay sa ruling ng Korte Suprema sa 2024 at 2025 budgets.

“So ibig sabihin hindi pwedeng ang Kongreso magdagdag sa kanyang proposal. Kung ang proposal niya let’s say P7.2T hindi pwedeng gawin ng Kongreso P7.3-7.4. So hanggang doon lang,” paliwanag ni Gatchalian sa isang panayam.

Ayon sa kanya, lumampas sa panukala ng Pangulo ang budget noong 2024 at 2025. Hindi naman daw ito lumampas noong 2026, at bumaba pa nga.

“Sa 2027 yan ang magiging gabay natin,” aniya.

Idineklara umanong unconstitutional ng Korte Suprema ang ilang dagdag na inilagay ng Kongreso sa 2024 at 2025 budgets dahil lumagpas ang mga ito sa panukala ng Pangulo. Pinawalang-bisa rin umano ang ilang probisyon ng 2026 budget tungkol sa paglalabas ng unprogrammed funds, o mga standby na pondong inilalabas lamang kapag may sapat na kita ang gobyerno.

Nasa P7.2 trilyon umano ang panukalang budget para sa 2027.

Binanggit din ni Gatchalian ang panganib ng lump sum, o pondong walang detalyadong breakdown ng proyekto.

“Kung lump sum pwede ka mag-overprice, yan ang nakakatakot doon dahil hindi mo alam kung magkano itinayong project magkano talaga,” wika niya.

Dapat daw nakasaad kung saan itatayo ang mga proyekto tulad ng multipurpose buildings at evacuation centers, para mahanap ng publiko ang mga ito.

Trabaho raw ng Senado na suriin ang mga amyenda sa budget at tiyaking may supporting documents at detalye ang mga ito. May mga proyekto raw na nailalagay kung saan gusto dahil walang detalye.

“So yan ang tinatanggal natin ngayon,” aniya.

Tungkol sa mga proyektong tinukoy na red flag, sinabi ni Gatchalian na dapat nasuri na ang mga ito bago isama sa National Expenditure Program, ang panukalang budget ng Ehekutibo. Muli pa raw itong sinusuri ng Department of Budget and Management (DBM).

“E sabi ko nga kung nagawa namin sa Senado bakit hindi nagawa ng DBM?” tanong ni Gatchalian.

Sa usapin ng umano’y alok na pondo mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), sinabi ni Gatchalian na hindi niya alam ang detalye.

“But personally ako wala akong ganyan,” aniya.

Ibinunyag umano ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na inalok siya ng P5 milyong “allocation fund” sa pamamagitan ng kanyang staff, at tinanggihan niya ito. Itinanggi umano ni TESDA Director General Jose Francisco “Kiko” Benitez na may pinahintulutan siyang mag-alok, at nag-utos siya ng imbestigasyon.

Ayon kay Gatchalian, hindi dapat gamitin ang pondo ng bayan para magpalakas sa mga pulitiko.

“Hindi mo pera yan na pwede ka mag-alok. Ito ay pera ng taong bayan at kailangan lang ibigay doon sa talagang nangangailangan o may pangangailangan,” sabi niya.

Malapit daw siya kay Benitez dahil magkasama sila sa Congressional Commission on Education (Edcom).

Posible raw na staff lamang ang nasa likod nito. “Kasi staff nagpapalakas rin sa mga politiko. Di natin alam,” dagdag niya.

Kukuha pa raw sila ng karagdagang impormasyon. Itatanong umano ni Lacson ang usapin sa pagtalakay ng plenaryo sa budget ng TESDA sa Nobyembre.