Lacson

Lacson sinabing Pangulo dapat di pangunahan kung pipili ng VP

23 Views

TINAWAG na “foolish” ni Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson nitong Martes ang mungkahing mangako ang mga senador na tatanggihan nila ang posibleng nominasyon bilang bise presidente kung ma-convict at maalis sa puwesto si Bise Presidente Sara Duterte.

Tinutukoy ni Lacson ang panawagan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.

Noong Lunes, sinuportahan ni Cayetano ang pahayag ni Senator-Judge Francis “Chiz” Escudero na tatanggihan niya ang pagka-bise presidente, at hinikayat ang lahat ng senator-judge na gumawa ng parehong deklarasyon.

“Somebody had the gall to suggest that my Senate colleagues should decline a Vice Presidential appointment from President Ferdinand Marcos Jr. if the impeachment trial ends in conviction. While ‘no comment’ would be the most appropriate response to such a nonsensical idea, silence might be misconstrued as interest in the position,” ani Lacson sa isang social media post.

“Let me be clear: I have a mandate to fulfill until 2031, and the VP post is not under consideration,” dagdag niya.

Nagbigay rin si Lacson ng halimbawa gamit si Senador Manuel “Lito” Lapid.

“What if PBBM considers appointing Sen. Lito Lapid because he is makamasa and has a good heart? Must Sen. Lapid decline simply because he is a senator-judge? Isn’t that a foolish proposition?,” tanong niya.

Sa ilalim ng Section 9, Article VII ng 1987 Constitution, ang Pangulo ang magno-nominate ng bagong bise presidente mula sa mga miyembro ng Senado o Kamara. Kailangan itong kumpirmahin ng Kongreso.

“Pero ba’t niya pakikialaman yung prerogative ng Pangulo na pumili? Ba’t niya lilimitahan?,” tanong ni Lacson sa isang panayam.

“Huwag niyang pakialaman, huwag niyang pangunahan kasi Pangulo yung namimili, of course, subject to the confirmation ng Congress, di ba? Pero huwag niyang pangunahan,” aniya.

Para naman kay Senador Joseph Victor “JV” Ejercito, masyado pang maaga para pag-usapan ang papalit kay Duterte.

“Sa akin ayoko, dapat hindi muna natin pinag-uusapan kung sinong i-appoint as Vice President. Ongoing pa ang impeachment trial,” ani Ejercito. “It’s premature to talk about it.”

Gayunman, sinabi rin ni Ejercito: “Mga judges kami in the impeachment court. Siguro preferably mas maganda kung hindi tatanggapin.”

Nakatakdang ituloy ang impeachment trial ni Duterte sa Nobyembre 9, kung kailan magsisimulang magpresenta ng ebidensya ang depensa. Hanggang Oktubre 30 umano ang depensa para sagutin ang formal offer of evidence ng prosekusyon.