Santiago Kausap ni NBI Director Jaime Santiago si dating mambabatas Arnolfo “Arnie” Teves sa loob ng eroplano, matapos ang pormal na turnover sa kanila mula sa Timor-Leste. Niyakap naman ng kanyang ina si Teves matapos kuhanin ang kanyang fingerprint at mug shot.

NBI Director Santiago isinalaysay pag-aresto kay Teves

Jon-jon Reyes May 30, 2025
420 Views

Santiago1TevesIBINAHAGI ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime B. Santiago ang mga detalye sa pagkaka-aresto kay dating Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. mula sa Timor-Leste patungong Pilipinas noong Biyernes.

Sa isang press briefing, sinabi ni Santiago na ang turnover ni Teves ay resulta ng maganda at matibay na relasyon ng Pilipinas sa ibang bansa sa Southeast Asia, at diplomatikong relasyon na itinatag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasama ang counterpart na Timorese na si Jose Ramos-Horta.

Sinabi ni Santiago na sa wakas ay nagpasiya silang i-turn over si Teves dahil naniniwala silang siya ay nananatili sa kanilang bansa sa loob ng dalawang taon na ngayon ay walang ng dokumento. Isinaalang-alang din nila ang mga kasong isinampa laban sa kanya.

Iginiit din ni Santiago na sumunod ang gobyerno ng Pilipinas sa mga kondisyong nakasaad sa Certificate of Handover.

Kabilang sa mga pangunahing garantiya sa sertipiko ay hindi mababawasan ang habambuhay na pagkakakulong, hindi lalampas sa 40 taon ang sentensiya, walang parusang kamatayan, walang sapilitang ebidensiya, ganap na pagbabawal sa hindi makataong pagtrato, patas at pampublikong paglilitis, at hindi pulitikal na pag-uusig, bukod sa iba pa.

Ayon pa kay Santiago, noong Miyerkules ng gabi ay sumakay ang joint team ng Department of Justice (DOJ), NBI, Bureau of Immigration (BI) at Philippine Air Force (PAF) sa eroplano patungong Timor-Leste.

Nang maglaon, nakipagpulong ang koponan sa mga awtoridad ng Timor-Leste upang mapadali ang pagproseso ng deportasyon at pormal na turnover kay Teves noong Huwebes ng hapon.

Pagsakay sa eroplano ng PAF, dito na pinosasan si Teves ng NBI at binasahan ng kanyang karapatan na Miranda Doctrine.

Bandang alas-7:30 ng gabi, dumating ang aircraft sa Davao Airport para sa pag-refuel at humigit-kumulang alas-11 ng gabi ay dumating sila sa Villamor Airbase sa Pasay City.

Sumailalim si Teves sa medical examination, booking procedure, pati na rin sa standard mug shot procedure.

Samanatala, pinayagan naman ng NBI ang abogadong si Ferdinand Topacio at ang ina ni Teves na bisitahin ang dating mambabatas matapos ang dalawang taong pagtatago sa nasabing bansa.

Gayunman, ililipat si Teves sa detention facility ng NBI sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.