Mercado Ang mga host ng Kapwa Ko Mahal Ko na si Orly Mercado at Connie Angeles

Kapwa Ko Mahal Ko: Paglilingkod na isinusulong kalusugan para sa lahat

427 Views

ISANG kilalang artista sa pelikula at telebisyon, isinantabi muna ni Connie Angeles ang kanyang karera sa pag-arte. Sa kabila nito, nananatili siyang isang kilalang personalidad sa telebisyon bilang isa sa mga host ng programang Kapwa Ko, Mahal Ko na ipinalalabas sa GMA 7.

Si Angeles, na dati ring opisyal ng pamahalaang lungsod ng Quezon City—una bilang konsehal at kalaunan bilang bise alkalde—ay kasalukuyang nagsisilbi bilang Executive Director para sa Medical and Health Programs ng SM Foundation. Mula nang siya ay sumali sa Foundation noong 2001, siya ang namamahala sa pagtiyak na naisusulong at naisasakatuparan ang mga programang pangkalusugan ng organisasyon.

Pumasok siya bilang co-host ng Kapwa Ko, Mahal Ko noong 1983 matapos siyang anyayahan ni G. Orlando “Orly” Mercado bilang pansamantalang kapalit ng mga host na hindi makadalo. “Tinawagan ako ni Mr. Mercado upang punan ang puwesto ng mga host. Simula noon, hindi na ako umalis kahit bumalik na sila,” pagbabahagi ni Angeles. Ayon sa kanya, isa itong katuparan ng kanyang pangarap dahil matagal na niyang sinusubaybayan ang programa. “Matagal ko nang gustong tumulong sa mga kapus-palad.”

Si Mr. Mercado ang nagtatag ng Kapwa Ko, Mahal Ko, at siya rin ang kasalukuyang pangulo ng foundation nito. Isa rin siyang mamamahayag, executive sa broadcast media, at dating senador (1987–1998) at Kalihim ng Tanggulang Pambansa (1998–2001). Siya rin ang unang naging ambassador ng Pilipinas sa ASEAN na nakabase sa Jakarta, Indonesia.

Itinuturing ni Angeles na tagapagturo si Mercado sa larangan ng serbisyo publiko. Katulad ng kanyang mentor na hindi kailanman iniwan ang pagho-host ng programa sa kabila ng abalang iskedyul, nanatiling tapat si Angeles bilang co-host sa pagdaan ng mga taon. “Isa sa pinakamalalaking hamon ay ang pagsasaayos ng aking iskedyul. Pero sinisigurado kong naroon ako tuwing kailangan, lalo na kapag wala si Mr. Mercado o nasa ibang bansa,” aniya.

Bukod sa abalang iskedyul, may mga pagkakataon ding humaharap siya sa mga pasyenteng hindi alam kung paano humingi ng tulong para sa kanilang malubhang karamdaman. “Napakaraming pumipila para humingi ng tulong. Sana lang talaga kayang matulungan ng Kapwa Ko, Mahal Ko ang lahat,” ani Angeles.

Noong 2023, pinarangalan si Angeles ng Ading Fernando Lifetime Achievement Award ng Philippine Movie Press Club (PMPC). Noong 1990 naman, tinanggap niya ang parangal bilang Best Public Service Program Host para sa Kapwa Ko, Mahal Ko.

Ngayong taon, ipinagdiriwang ng Kapwa Ko, Mahal Ko ang ikalimampung anibersaryo nito, simula nang una itong umere noong Disyembre 1, 1975. Ang Kapwa Ko Mahal Ko Foundation, na siyang nangangasiwa sa pang-araw-araw na operasyon, ay itinatag noong 1976.

Ang layunin ng Kapwa Ko Mahal Ko ay baguhin ang buhay ng mga nasa laylayan sa pamamagitan ng gabay, koneksyon, at pagbibigay-lakas. Kumukuha sila ng tulong mula sa mga pribadong donor upang tustusan ang mga mamahaling medikal at surgical na pangangailangan ng mga pasyenteng kapos sa buhay. Mayroon din itong clinic-on-the-air at mga outreach activities upang matugunan ang dami ng nangangailangan ng tulong.

Kabilang sa mga katuwang ng Kapwa Ko Mahal Ko ay ang SM Foundation, na may adbokasiya sa kalusugan na kaakibat ng misyon ng programa.

Iba pang partners ay Mabuhay Deseret Foundation. Philippine Association of Interpreters for Deaf Empowerment (PAIDE), The Optical Shop Incorporated St. Luke’s Medical Center (SLMC), Philippine Heart Center, Philippine Children’s Medical Center, East Avenue Medical Center, Makati Medical Center, National Children’s Hospital, Philippine Red Cross, Philippine General Hospital, Quezon City General Hospital (QCGH), and Lung Center of the Philippines,