Arestado

Kawatan, mahaba man ang habulan, bagsak pa rin sa kulungan

Edd Reyes Jun 13, 2025
27 Views

NALAMBAT ng mga pulis ang isang pinaghihinalaang kawatan noong Hunyo 12 sa Makati City.

Unang hinabol ni alyas Ranil ang suspek na si alyas Oliver, 22, nang tangayin ang kanyang cellular phone ng pumasok sa kanilang barracks sa Brgy. San Isidro alas-5:00 ng umaga.

Nakalayo ang suspek patungong Buendia Avenue mula Batangas St. pero hinabol pa rin siya ng biktima habang sumisigaw sa paghingi ng tulong na nakatawag-pansin sa mga nagpapatrolyang mga tauhan ni Makati police chief P/Col. Jean Dela Torre.

Nakihabol na rin ang mga pulis sa suspek na umakyat pa sa bakod patungo sa bakanteng lote sa kanto ng Dian at Emilia Sts., Brgy. Palanan hanggang nakorner at mabawi ang ninenok na cellphone sa biktima na nagkakahalaga ng P7,000.

Ayon kay Col. Dela Torre, ilang beses nang nahuli si Oliver dahil sa iba’t-ibang kaso noong 2021 at 2024.