Calendar

Batang babae, 3, nakaladkad ng e-tricycle, inoobserbahan
KASALUKUYANG inoobserbahan ng mga manggagamot ang 3-taong-gulang na batang babae matapos masagasaan, mabagsakan at makaladkad ng isang e-trike o toktok na may lamang pasahero sa kahabaan ng Felix Huertas Street corner Malabon Street, sakop ng Barangay 336 sa Sta. Cruz Manila, hapon ng Huwebes.
Nakilala ang drayber ng e-trike sa alyas na “Salik” na 48-anyos, at ang tatlong pasahero nito na sina Roda, Rona at Ann na nagkaroon din ng mga galos sa katawan matapos ang aksidente.
Ayon sa report ng pulisya, bandang 3:55 ng hapon nang mangyari ang insidente sa nasabing lugar.
Base sa kuha ng CCTV sa lugar, may isang batang tumawid sa nasabing kalsada at mayamaya ay sumunod ang biktima na 3-taong-gulang na batang babae sa pagtawid. Dito na siya nabangga, nadaganan at nakaladkad pa ng e-trike na mayroon ding tatlong pasahero.
Ayon kay Major Philipp Ines, ang tagapagsalita ng Manila Police District (MPD) Public Information Office (PIO), base sa salaysay ng drayber ay nakita niya ang bata kung kaya’t bigla siyang nagpreno. Dahil dito, tumaob ang kanyang minamanehong e-trike na tumakip at nadaganan ang bata, at nakaladkad pa ng ilang metro sa kalye. Nadamay rin ang isa pang sasakyan na nakaparada sa lugar.
Agad namang nagdatingan ang ilang mga residente sa lugar upang magtulungang itayo ang e-trike at sagipin ang bata na mabilis ding dinala sa Jose Reyes Medical Center.
Kasalukuyang inoobserbahan ang bata matapos magtamo ng head injuries, ganoon din ang mga pasaherong nasugatan.
Gayunman, hindi muna magsasampa ng reklamo ang magulang ng paslit laban sa drayber matapos silang magkaroon ng pansamantalang kasunduan.
Ngunit kung hindi tutupad sa kanilang usapan, maaaring magsampa ng kaukulang kaso na reckless imprudence resulting in physical injuries at damage to property laban sa drayber.