Calendar

8 hepe ng pulisya sa pinalitan dahil sablay sa 5-Minute Response Time
IPINAG-UTOS ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas D. Torre III ang agarang administratibong pagpapalit sa walong hepe ng pulisya sa Metro Manila kasunod ng kabiguan nilang maipatupad nang buo ang 5-Minute Response Time sa mga tawag ng emergency.
Ayon kay Gen. Torre, nabigong sumunod sa direktiba ang mga hepe ng pulisya sa Navotas, Caloocan, Mandaluyong, Marikina, Valenzuela, San Juan, Parañaque, at Makati kaya sila ay inalis sa puwesto at papalitan.
Pahayag ng tagapagsalita ng PNP na si Brig. Gen. Jean S. Fajardo, kasalukuyang nirebyu ni Gen. Torre ang performance ng mga opisyal nitong nakaraang dalawang linggo at inaasahang magtatalaga siya ng mga bagong ground commanders sa mga susunod na araw.
Sinusubok ni Torre ang bilis ng pagtugon ng kanyang mga tauhan sa mga tawag sa 911, partikular sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon. Isa raw itong malinaw na mensahe ng pagbabagong serbisyo para sa publiko.
“‘Wag nyo na kaming hanapin sa mga presinto. Kami ay nasa inyong telepono. Dial 911—darating kami sa loob ng limang minuto. This is our commitment. This is our service in action,’” ani Gen. Torre.
Mga Bagong Tinalagang Hepe
Northern Police District (NPD):
Caloocan City Police Station – Col. Joey T. Goforth (kapalit ni Col. Jady D. Doles, na itinalaga sa NPD District Personnel and Records Management Division)
Navotas City Police Station – Col. Renante F. Pinuela (kapalit ni Col. Mario C. Cortes, na naging hepe ng NPD District Investigation and Detective Management Division)
Valenzuela City Police Station – Col. Gerson S. Bisayas (kapalit ni Col. Allan B. Umipig, na ngayon ay pinuno ng NPD District Mobile Force Battalion)
Southern Police District (SPD):
Makati City Police Station – Col. Reycol L. Garduque
Parañaque City Police Station – Col. Orlando A. Mirando Jr.
Taguig City Police Station – Col. Reynan V. Patam (naitalaga sa utos ni SPD Director Brig. Gen. Joseph R. Arguelles)
Patuloy ang pag-ikot ng mga opisyal habang pinalalakas ng PNP ang kanilang emergency response upang maabot ang pamantayang limang minutong tugon sa mga tawag ng saklolo.