Calendar
Kung ibig natin mas umiral ang kabutihan, kailangang magsilbi tayo liwanag sa ating kapwa (Mateo 5:14-16)
MINSAN, naririnig natin ang ibang tao na nagwiwika ng, “Tila mas maraming tao ang masasama kumpara sa mabubuti”.
Bakit?
Sapagkat lantad na lantad sa ating mga mata ang kaliwa’t-kanang kriminalidad na umiiral sa ating paligid — katulad ng pagpatay, panggagahasa (rape), walang habas na pang-aabuso sa mga kababaihan, pagkakalantad sa masamang gawain ng mga tiwaling pulis, laganap na bentahan ng illegal na droga, paglaganap ng fake news, siraan, murahan at iba pang kauri nitong kabuktutan na naglalarawan sa masamang karakter ng tao.
Ang lahat ng ito ay nagpapatibay sa konklusyon ng ating mga kapatid na ang mga “pasaway at tampalasan” na kababayan natin ay unti-unti ng nilalamon ng kasamaan, at sa kasalukuyang panahon.
Mistulang nilusaw at nilansag na ng kabuktutan ang anomang kabutihan, para sa kanila: patay na ang kabutihan at namamayagpag na ang kasamaan.
Marahil ay hindi naman maikakaila na maraming kasamaan sa mundo. Hindi lamang sa Pilipinas, bagkos, maging sa ibang bansa na maaaring mas malala pa ang kanilang sitwasyon kumpara sa ating bansa, sapagkat duon ay talagang hindi na ginagalang ng mga tao ang kanilang mga batas.
Malaya nilang nagagawa ang mga bagay na hindi lamang labag sa batas ng tao kundi paglabag din sa utos ng Panginoong Diyos, dahil may mga bansa na ang mga tao ay walang habas na nagtatag ng kulto na sumasamba kay satanas.
kapw
Pakatandaan lamang natin, namamayagpag man ngayon ang kasamaan at laganap man ang kasalanan ng tao, sa bandang huli: sa kawakasan ng buhay ng tao, siya ay huhusgahan alinsunod sa ginawa niyang kabutihan o kasamaan. Sapagkat “walang utang na hindi pinagbabayaran”, ang nagtanim ng masama ay aani rin ng kasamaan, subalit ang nagtanim ng kabutihan ay mag-aani ng sagana.
SWAK SA BALDE ANG MGA TAMPALASAN:
“Ang mga gumagawa ng masama ay pagbabayarin sa kasamaang kanilang ginawa, sapagkat ang Diyos ay walang kinikilingan”. (Colosas 3:25)
Kaya sa paningin man ng ating mga kapatid na maraming tao ngayon ang masasama, sa katapusan ng buhay ng mga taong ito, sila na namuhay sa kasamaan sa mundo, kasama na ang walang habas na paggawa nila ng kasamaan laban sa kanilang kapwa ay hahatulan ng Panginoon batay sa kanilang ginawa at siguradong magtatampisaw sila sa dagat-dagatan at naglalagablab na apoy ng impiyerno.
Subalit hindi naman nangangahulugan na dahil maraming tao ang masasama ay wala ng umiiral na kabutihan sa mundo. Napakarami pa rin naman ang nagsisikap na mamuhay sa kabutihan, may mga tao pa rin naman ang pinipili pa ring mamuhay ng parehas.
Kahit hirap-hirap na magtulak ng kariton si Manong na nagtitinda ng fishball, lumalaban pa rin ng parehas ang isang tricycle driver kahit kayod kalabaw siya sa pagmamaneho at nagsusumikap pa rin mamuhay sa tama ang isang matinong alagad ng batas kahit may mga kabaro siyang tiwali o scalawag na sumisira sa magandandang imahe ng kapulisan. Sila ang mga mabubuting tao na hindi natin napapansin.
WALA KA BANG NAPAPANSIN:
May mga pagkakataon na kaya nakikita natin ang laganap na kasamaan ay dahil ito ang hina-highlight sa social media na natutunghayan natin, partikular na ang kaliwa’t-kanang pang-iiscam ng ilang tao sa kanilang kapwa.
Mas madali nating nakikita at hinuhusgahan ang mga taong nakakagawa ng pagkakasala habang “deadma” naman tayo duon sa mga taong nakagawa ng kabutihan.
Minsan, nasa atin na rin ang diperensiya sapagkat mas naka-pokus tayo sa mga gawang masama kaysa sa mga taong gumagawa ng kabutihan.
ANG HAMON SA ATIN – MAGING ILAW NG SANLIBUTAN:
“GAYUNDIN naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Amang nasa langit”. (Mateo 5:16)
Kung nais nating mangibabaw ang kabutihan dito sa mundo kailangan sa atin masimula ang “pagpapaningas ng ating ilawan” na naglalarawan sa mga kabutihang gagawin natin sa ating kapwa. Sila man ay mabubuti o masasamang tao at kung nais nating umiral ang kabutihan, kinakailangang sa atin magsimula ang paghahasik ng kagandahang loob para makita ng ating kapwa na mas laganap ang kabutihan kaysa sa kasamaan.
Ito ay isang hamon sa atin na hindi natin dapat hayaan na mas mapansin ng ating kapwa ang kasamaan kaysa sa kabutihan.
Hindi maaaring magsawalang kibo na lamang tayo, sapagkat magiging bahagi lamang tayo ng maling sistema kung nakikita na pala natin na palasak ang kasamaan, subalit hindi natin sinisindihan ang ating ilawan para makita ng ibang tao ang liwanag (kabutihan) at sa kalaunan ay masabi nilang totoong may Diyos dahil sa natunghayan nilang kabutihan na nagmula mismo sa atin.
Ang kasamaan ay hindi dapat suklian din ng kasamaan para mapuksa gaya ng maling paniniwala ng ilang personalidad. Sapagkat ang Diyos mismo ang nagwika na: “Huwag niyong gantihan ng masama ang masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal sa lahat ng mga tao”. (Roma 12:17)
Bilang mga Kristiyano, mayroon tayong obligasyon o tungkulin sa Panginoon na magpakita ng kabutihan para ang mga kapatid nating nasa kadiliman at naliligaw ng landas ay maliwanagan. Tayo ang magsisilbing ilaw o tanglaw nila para sila ay unti-unting maliwanagan at tuluyang makahulagpos sa kumunoy ng kasamaan.
Kaya ang mensaheng ipinaparating sa atin ng Panginoon ay: “Huwag kayong magpadaig sa masama. Kundi daigin ninyo ng mabuti ang masama”. (Roma 12:21)
Hindi tayo ang dapat maimpluwensiyahan ng mga taong namumuhay sa kasamaan. Bagkos, sila ang dapat na maimpluwensiyahan at mahikayat natin na mamuhay sa kabutihan para sa kaligtasan ng kanilang kaluluwa.
Hindi maaaring panay lang ang puna natin sa umiiral na kasamaan sa ating paligid habang nakamasid lamang tayo at walang ginagawa, bilang mga Kristiyano. May pananagutan tayo para maiparamdam sa ating kapwa ang kabutihan ng Panginoong Diyos.
Kailangan natin kumilos upang maipakita at maiparamdam sa mga taong nagdududa kung may Diyos ang presensiya ng Panginoon sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa at kabutihang loob.
Kailangang ang kabutihan parin ang dapat mangibabaw (dahil sa laganap na kriminalidad kaya sila nag-aalinlangan kung mayroon bang Diyos).
indi na kailangan pang maging Pari, Madre, Layko at alagad ng Simbahan para lamang maghasik ng kabutihan. Sa mga simpleng bagay, nakakapaghasik na tayo ng kabutihan. Ang nagugutom, bigyan ng pagkain, ang nauuhaw, painumin, ang walang matirhan kupkupin, ang walang damit, bigyan ng masusuot at ang mga naghihikahos, ating tulungan at damayan.
𝗔𝗠𝗘𝗡
