Barzaga

Pagtanggal sa ban vs nursing program hiniling

Mar Rodriguez Jun 14, 2022
175 Views

MARIING kinondena ng isang beteranong kongresista ang pamunuan ng Commission on Higher Education (CHED) bunsod ng ginagawa nila umanong panghaharang sa “nursing program” ng katatatag pa lamang na Kolehiyo ng Lungsod ng Dasmarinas sa lalawigan ng Cavite.

Binatikos din ni Cavite Rep. Elpidio “Pidi” Barzaga, Jr. ang kabiguan umanomg aksiyunan ang kaniyang ipinadalang liham na humihiling na magbukas ang CHED ng “nursing program” sa nasabing bagong tatag na Kolehiyo.

Binigyang diin ni Barzaga na ang pangunahing layunin ng pagkakaroon ng nursing program sa Kolehiyo ng Lungsod ng Dasmarinas ay upang palawigin ang tinatawag na “work force” ng bansa sa harap ng patuloy na pamumuksa ng COVID-19 pandemic.

Tinukoy ni Barzaga si CHED Chairman Prospero “Popoy” de Vera III na humaharang umano sa kaniyang request.

“It’s high time that CHED lifted the 11-year old ban on nursing programs. We’re still in pandemic and we’ve seen how badly we need more nurses and health workers as we continue to battle COVID-19. The CHED’s stubbornness is hurting the country this is unthinkable,” sabi ng kongresista patungkol sa CHED.

Nakatakda nang matapos ang termino ni De Vera sa darating na Hulyo 21. Dahil dito, hinikayat ni Barzaga si President-Elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mag-appoint kapalit ni De Vera na mayroong paninindigan at nakakaunawa sa kasalukuyang sitwasyon.