Calendar

Panawagan sa Senado: Online gambling tuldukan
MATAPOS pagtibayin ng Senado ang panukalang batas na tuluyang nagbabawal sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), nanawagan si Senador Alan Peter Cayetano sa ika-20 Kongreso na agarang tutukan ang lumalaking suliranin ng online gambling sa bansa.
Buong suporta ang ipinahayag ni Cayetano sa naging hakbang ng Senado, na pinagtibay ng 23 senador nang walang pagtutol.
“May I congratulate everyone, including Senator Risa Hontiveros, sa (pagpasa ng) Anti-POGO Act,” ani Cayetano.
Gayunman, binigyang-diin niya na sa kabila ng pagbabawal sa POGOs, unti-unti namang sumisidhi ang problema sa online gambling sa hanay ng mga Pilipino.
“Ang problema, ipinagbawal na natin ang POGO, pero lumalaki naman po ang online industry na puro mga Pilipino ang tumataya,” aniya.
Si Cayetano, na kilalang tutol sa anumang uri ng pagsusugal, ay co-author ng Anti-POGO Bill at matagal nang tumutuligsa sa parehong POGO at e-sabong.
Ipinaliwanag niyang bagama’t maaaring hindi pa kasing adiktibo ng e-sabong ang online gaming, ang laya at pagiging abot-kamay nito ay maaaring magbunga ng mas malalang epekto sa hinaharap.
“Online gaming is not as addictive as e-sabong but it will get there. If you put the two together, you can do that kind of gambling anywhere and anytime. Napaka delikado nito para sa atin,” babala ni Cayetano.
Sa pagtatapos, ipinabatid ng senador ang kanyang panawagan sa bagong Kongreso na supilin ang anumang online gambling na para sa kanya ay lubhang nakasisira sa maraming buhay.
“Sana po we will act on online gaming soon in the 20th Congress.” panawagan niya.