Vice President Sara Duterte Vice President Sara Duterte

Paratang ni VP Sara na may pera sa lagda sa impeachment propaganda lang — Bucoy

28 Views

ITINURING ng tagapagsalita ng impeachment panel sa Kamara bilang propaganda ang alegasyon ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte na nilagdaan ng mga mambabatas ang impeachment complaint laban sa kanya nang hindi ito binabasa at kapalit ng alok na pondo.

Ayon kay Atty. Antonio Audie Z. Bucoy, ang tagapagsalita ng House prosecution panel para sa impeachment, alam ng mga mambabatas ang bigat ng kanilang ginawang aksyon at sineryoso nila ang kanilang sinumpaang tungkulin sa pag-endorso ng Articles of Impeachment.

“Unang-una, ito pong mga pumirma ng impeachment, ng Articles of Impeachment, ito po naman ay mga mambabatas eh. Hindi po ito pipirma nang hindi nila nauunawaan kung anong pinirmahan nila. Lalo na at ito ay under oath,” ani Bucoy.

“‘Pag under oath, that is under pain of perjury. Hindi naman nila siguro isusuong sarili nila sa ganoon. So palagay ko ay propaganda na lang ‘yan,” dagdag pa niya.

Sa kanyang mga pahayag sa publiko nitong linggo, iginiit ni VP Duterte na karamihan sa 215 mambabatas na lumagda sa reklamo ay hindi umano binasa o naintindihan ang nilalaman nito. Binanggit din niya na may “budgetary incentives” o pondo na ginamit upang makuha ang kanilang suporta.

Ang naturang pahayag ay lumabas habang patuloy ang imbestigasyon sa paggamit ng confidential funds ng kanyang opisina at ng Department of Education (DepEd) noong siya pa ang kalihim nito — isyung naging sentro ng ilang pagdinig sa Kamara.

Ang resulta ng mga pagdinig na ito ang naging batayan ng kasalukuyang impeachment complaint na ngayon ay nasa Senado na.

Nang tanungin kung bakit tila mas pinipiling atakihin ni Duterte ang Kamara kaysa sagutin ang mga paratang, sinabi ni Bucoy na siya rin ang may kasalanan kung bakit nauwi sa impeachment ang lahat.

“Iyan lang ho ang paraan para niya na depensahan ang Articles of Impeachment. Kung ito pong mga katanungan na ito ay sinagot na ng VP during the Quad Committee at nanumpa siya, eh di sana wala tayo dito ngayon,” ani Bucoy.

Dagdag pa niya, ang pagtanggi ni Duterte na manumpa at direktang sagutin ang mga tanong ng mga mambabatas ay lalo lamang nagdulot ng mga katanungan tungkol sa paggamit ng pondo ng bayan.

“Kung katanggap-tanggap naman ‘yung kanyang paliwanag, siguro wala tayong impeachment ngayon. Hindi po ba? Ang problema, ayaw niyang manumpa, ayaw niyang sagutin, gaya po no’ng confidential fund. Anong sagot niya? Eh, confidential fund nga kaya hindi puwedeng pag-usapan. Mali ‘yun eh,” sabi pa ni Bucoy.

Kabilang sa mga nakasaad sa Articles of Impeachment ang patuloy na pagtanggi ng Pangalawang Pangulo na magbigay ng detalye kung paano ginastos ng Office of the Vice President at ng DepEd ang mahigit P600 milyon sa confidential funds.

Ilang mambabatas na rin ang una nang pumuna sa naturang paggasta na umano’y kulang sa transparency at lumalabag sa mga umiiral na batas ukol sa procurement.