Calendar

P20/kilo ng bigas sa Siquijor umarangkada na
MISMONG si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang nanguna sa roll out ng P20/kilo rice program sa Siquijor, Siquijor noong Martes na magsisilbing strategic model para sa initial rollout ng programa sa iba pang island provinces.
Umaasa ang DA na makakapagbigay ang initial deployment ng mga pananaw para sa hamon na kakaharapin hinggil sa logistics at komunidad sa pagdeliver ng mga subsidized na bigas sa mga remote at underserved areas.
“The launch of the P20 program in this magical island of Siquijor serves as a strategic model for the initial rollout of the program across other island provinces,” ani Tiu Laurel.
Ayon kay Tiu Laurel, makakatulong ang Siquijor sa paggawa ng blueprint sa pagpapalawig ng programa sa buong arkipelago na maaaring ipatupad hanggang sa katapusan ng termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hunyo 30, 2028.
Sinabi ni Joseph Lo, pangulo ng Food Terminal Inc. (FTI), na magsisilbi ang paglunsad sa Siquijor bilang isang testing ground para sa paglinang ng logistic, matiyak ang maayos na pamamahagi at makapagtatag ng real-time feedback system na pawang mahahalagang sangkap ng isang sustainable national rollout.
“We’re not just delivering rice; we’re building the framework to deliver it better,” sabi ni Lo.
Sa unang phase, makikinabang ang may
425 na kabahayan o 1,700 na tao sa P20 per kilo rice sa Siquijor.
Ani Tiu Laurel, maliit na hakbang pa lang ito subalit magdudulot ng pag-asa na maabot ang mga malalayong komunidad.
Kasabay ng rollout sa Siquijor ang parehong pilot na isinagawa sa Bacolod City, Negros Occidental na isa pang probinsya na kasama sa re-established Negros Island Region (NIR).
Natukoy ang NIR, isa sa mga pinakamahirap na lugar sa Visayas, bilang focal point para sa pilot phase ng programa na tatagal hanggang Disyembre 2025.