Calendar

Rider na sangkot sa aksidente sa QC nasa kustodiya ng pulisya
NASA kustodiya na ng pulisya ang 14-anyos na rider na tumakas matapos masalpok ng minamanehong motorsiklo ang isang mamahayag na sakay din ng isang motorsiklo at angkas nito sa Quezon City nitong Miyerkules ng gabi.
Sa report ng Quezon City Police District (QCPD), Traffic Sector 6, dakong alas-10:36 ng gabi nitong Miyerkules (Hunyo 18), nang maganap ang aksidente sa Banlat Road, Brgy. Tandang Sora.
Batay sa imbestigasyon, nasalpok umano ng Suzuki Skydrive motorcycle na minamaneho ng suspek ang Yamaha Aerox ng biktima dahilan para tumilapon ito at ang kaniyang angkas.
Subalit sa halip na tulungan ang mga sugatang biktima ay mabilis pa umanong pinaharurot ng binatilyo ang kaniyang motor at tumakas.
Dahil sa mabilis na aksyon ng QCPD, agad natunton ang motorsiklo na ginamit sa hit-and-run at pagkakakilanlan ng driver nito.
Sa follow-up operation na isinagawa bandang 7:30 ng umaga nitong Huwebes (June 19), ng DTEU at Talipapa Police Station 3, ay nadakip ang 14-anyos na suspek sa kanyang tirahan sa Australia St., Upper Banlat.
Ang menor de edad, kasama ang kanyang ama, ay dinala sa Traffic Sector 6 para sa imbestigasyon alinsunod sa Juvenile Justice and Welfare Act (RA 9344).
Na-impound na ang narekober na motorsiklo, habang ang menor de edad na driver ay inisyuhan ng citation para sa Reckless Driving, Involvement in an Accident, at Driving without a License.