Suspek

Lalaki tiklo after 4 yrs na pagtatago

Edd Reyes Jun 20, 2025
18 Views

NASUKOL ng mga parak ang puganteng akusado sa paggawa ng kalaswaan sa batang babae noong Huwebes sa Valenzuela City matapos ang mahigit apat na taong pagtatago.

Nagsimulang tugisin ng mga pulis si alyas Benjamin, 30, nang sampahan ng kasong lascivious conduct ng mga magulang ng batang kanyang biktima sa Bagong Barrio, Caloocan City noon pang 2021.

Bitbit ang warrant of arrest galing kay Valenzuela Family Court Presiding Judge Barbara Aleli Hernandez-Briones ng Branch 1, natunton ang suspek sa Brgy. Karuhatan alas-3:15 ng hapon na nagresulta sa kanyang pagkakadakip, ayon kay Valenzuela Acting Police Chief P/Col. Gerson Bisayas.

Inaresto siya para sa kasong lascivious conduct sa ilalim ng RA 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.