Calendar

May patalim na scavenger inunahan ng bala
KALABOSO ang inabot ng kagawad ng barangay ng barilin ang 39-anyos na scavenger na bumunot ng patalim at akmang kakadyutin siya noong Huwebes sa Malabon City.
Inaresto ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan si alyas Justine, 36, kagawad ng Brgy. Ibaba at isinugod ang biktimang si alyas Ferdie dahil sa tama ng bala sa kaliwang hita.
Sa ulat ni Col. Baybayan kay P/BGen. Arnold Abad, director ng Northern Police District (NPD), nagpapatrulya ang kagawad dakong alas-2:00 ng madaling araw sa Tiangco St., Brgy. Ibaba ng maharangan siya ng biktima.
Bumaba ng motorsiklo si Justine at sinabihan ang biktima na huwag humarang sa daan subalit sa halip na tumabi, itinulak at sinigawan pa ang kagawad at bumunot ng patalim.
Sinabi ni Justine sa mga pulis na nakaramdam siya ng panganib kaya’t binunot ang baril niya at binugahan ng tingga sa hita ang biktima.
Nakumpiska sa kagawad ang .9mm CZ pistol na kargado ng tatlong bala. May lisensya ang baril ng suspek subalit walang permit to carry outside of residence.