Cable

14 na tirador ng cable wires, nakable ng parak

61 Views

UMABOT sa 14 katao ang inaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa pagbabaklas ng mga cable wires ng isang telephone company na umaabot sa P2,461,759 sa Quezon City noong Linggo.

Kinilala ni P/Lt. Col. Ramon Czar Solas, station commander ng Cubao Police Station, ang mga naarestong suspek na sina alyas Alejandre, 56; Joshua, 28; Harimon, 20; Carlo, 36; Jefferson, 19; Danilo, 54; Anderson, 27; John, 27; Barmeo, 32; Jeffrey, 21; Ranie, 39; Julius; Louie, 50; at Ben, 47.

Ayon sa report, alas-3:40 ng umaga nang makatanggap ng tawag ang mga opisyal ng Brgy. San Roque hinggil sa grupo ng mga lalaki na nagkakarga ng mga cable wires sa trak sa Mirasol St. corner 20th Avenue, Brgy. San Roque, Cubao, Quezon City.

Agad dumating sa lugar ang mga rumespondeng pulis at nahuli ang mga suspek sa aktong isinasakay ang mga cable wire sa isang 6-wheeler van.

Inaresto ang mga suspek matapos na hindi makapag-prisenta ng mga kaukulang dokumento.

Narekober sa kanila ang 147 metro ng PLDT cable wires na nagkakahalaga ng P2,461,759, isang hacksaw, isang kadena at isang six-wheeler truck.

Ang mga naarestong suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10515 at theft.