Uy

Uy nagpalabas ng pahayag na tunay siyang Pilipino

Edd Reyes Jun 23, 2025
63 Views

NAGLABAS ng kanyang opisyal na pahayag si Manila 6th District Congressman Joey Uy hinggil sa ginawang pagbasura sa kanyang proklamasyon ng Commission on Election (Comelec) bunga ng hindi umano natural born Filipino citizen.

Sa isang pahinang kalatas na isinapubliko ni Uy, iginiit niya na naturalized Filipino ang kanyang ama habang natural-born Filipino ang kanyang ina kaya’t isa siyang natural-born Filipino dahil ang Pilipinas ang kanyang lupang sinilangan.

Lumaki aniya siya, nag-aral, nanirahan, at nagsilbi at patuloy na nagsisilbi sa Lungsod ng Maynila bilang isang konsehal mula pa noong 2004.

“Nagsalita na po ang mamamayan ng ika-anim na distrito kung sino ang nais nilang maging kinatawan sa Kongreso sa pamamagitan ng isang malaya at demokratikong halalan,” bahagi ng pahayag ni Uy kasabay ng kahilingan na mapakinggan ang kanilang boses lalu’t ang boses aniya ng taumbayan ay siya ring tinig ng Kalangitan.

Ang tanging hangad lamang anya niya ay maipagpatuloy ang higit sa dalawang dekada niyang paninilbihan sa mahal niyang distrito sa Maynila.

Inilabas ni Uy ang pahayag bunga ng aniya ay luhbang nabahala at nagkaroon ng kalituhan ang publiko sa inilabas na resolusyon ng Comelec patungkol sa umano’y kanyang kuwestionableng pagkamamamayan na inihain ng kanyang katunggali at incumbent Congressman Bienvenido Abante.

Si Uy ay tumakbo bilang Congressman ng ika-anim na distrito sa ilalim ng tiket ni Manila Mayor-elect Isko Moreno Domagoso.