Calendar
Nagbenta ng hot car, tiklo sa boga, droga
ISANG lalaking Chinese ang naaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG) matapos subukang ibenta ang isang “hot car” sa undercover na pulis sa Ermita, Maynila noong Miyerkules.
Bukod sa sasakyan, nakumpiska sa suspek ang humigit-kumulang ₱800,000 halaga ng ilegal na droga at isang hindi lisensyadong baril.
Ayon kay Brigadier General Eleazar P. Matta, direktor ng PNP-HPG, nagsagawa ng entrapment ang mga tauhan ng Regional Highway Patrol Unit 3 (RHPU3) sa parking lot ng UN Square sa United Nations Avenue, base sa natanggap nilang impormasyon na isang Ford EcoSport na nasa “hold order list” ay ibinebenta.
Nakuha mula sa suspek ang shabu na nagkakahalaga ng ₱400,000, 45 sachets ng hinihinalang Ecstasy na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱350,000, cocaine na tinatayang ₱12,000 ang halaga, 7 sachets ng marijuana vape oil na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱21,000, isang kalibre .25 na Colt pistol na may 5 bala at 8 bala ng 9mm.
Ayon pa kay Brig. Gen. Matta, sasampahan ng mga kasong kriminal ang suspek.

