Makati

Makati ipinagbawal pagpapalipad ng drone ngayong Nov. dahil sa ASEAN Summit

Edd Reyes Nov 2, 2026
22 Views

PANSAMANTALANG ipagbabawal ng Pamahalaang Lungsod ng Makati ang pagpapalipad ng drone ngayong buwan ng Nobyembre sa kabuuan ng lungsod.

Ipinagbawal ang pagpapalipad ng drone bilang bahagi ng mga hakbang pang-seguridad sa nalalapit na ika-49 na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit, kung saan ang Pilipinas ang magiging punong-abala.

Sa inilabas na abiso ng lokal na pamahalaan sa kanilang opisyal na Facebook page araw ng Lunes, lahat ng uri ng unmanned aerial vehicles o UAVs ay hindi muna pahihintulutan hanggang sa katapusan ng buwan ng Nobyembre.

Nais tiyakin ng mga awtoridad ang kaligtasan at seguridad ng mga dayuhang pinuno ng estado, mga dignitaryo, mga internasyonal na delegado at mga residente sa mga high-level meeting at aktibidad.

Hinimok ng lokal na pamahalaan ang mga may-ari ng drone, hobbyists, at mga residente na makipagtulungan at sumunod sa pagbabawal para maging maayos ang gaganaping summit na magsisimula sa Nobyembre 16 hanggang 18.