Wanted

Kelot na akusado sa panghahalay sa Paranque, inaresto sa Cavite

Edd Reyes Nov 2, 2026
22 Views

NATUNTON ng pulisya noong Linggo ng hapon sa lalawigan ng Cavite ang wanted na kriminal na may kinakaharap na kasong panggagahasa sa Paranaque City.

Ikinasa ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor ang pagdakip kay alyas “Joel”, 31 nang magpositibo ang natanggap nilang impormasyon na namamataan sa Barangay Lallana, Trece Martires City sa Cavite ang akusado.

Dakong alas-4:05 ng hapon nang tuluyang madakip nina Paranaque police chief P/Col. Nicolas Piñon ang wanted na akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Agosto 24, 2026 ng Acting Presiding Judge ng Paranaque City Regional Trial Court (RTC) Branch 260 para sa kasong Rape sa ilalim ng R.A. 8353.

Binigyang-diin ni BGen. Pastor na ang matagumpay na operasyon ay sumasalamin lamang sa kahalagahan ng kanilan programang “Timpuyog” isang salitang Ilocano na ang kahulugan ay pagkakaisa at kolektibong aksiyon ng kapulisan saan mang panig ng bansa.

Nakapiit ang akusado sa custodial facility ng Paranaque Police Station habang hinihintay ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Paranaque City Jail lalu na’t walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa kanyang pansamantalang paglaya.