Baril

Bagets na suspek sabit sa maling kalabit

Edd Reyes Jun 26, 2025
335 Views

NAPATAY ng 16-anyos na binatilyo ang kapwa menor-de-edad na umano’y kakutsaba sa mga ilegal na gawain nang pumutok ang baril na kanilang sinusuri sa sementeryo sa Taguig City noong Miyerkules.

Naisugod pa sa Taguig-Pateros District Hospital si alyas Bao-Bao pero namatay din ng alas-3:25 ng madaling araw.

Isinuko sa mga pulis ng ama ang suspek na si alyas Nat sa mga pulis.

Ayon ay P/Capt. Dennis Desalisa, hepe ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Taguig police, nagtungo si alyas Nat sa Tuktukan Public Cemetery sa Bagong Kalsada St. alas-11:17 ng gabi ng Martes at inabutan ang biktima sa isang musoleo na sinusuri ang hawak na baril.

Hiniram ng suspek ang baril sa kaibigan at habang inuusisa, nakalabit niya ang gatilyo at tinamaan ang biktima. Dahil sa takot, itinapon niya ang baril at nagtatakbo patungong Bagong Silang bago tuluyang umuwi ng bahay.

Inamin ng suspek na magkasabwat sila ng biktima sa serye ng pagnanakaw ng motorsiklo at iba pang nagaganap na pagnanakaw sa lungsod.