Calendar
MMDA ninakawan ng kable ng CCTV para sa NCAP
NINAKAW ng mga kawatan ang kable ng CCTV para sa No Contact Apprehension Policy (NCAP) ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa EDSA-Guadalupe sa Makati City.
Noong Martes lang natuklasan ng MMDA na pinagputol-putol na ng hindi pa kilalang mga kawatan ang kable ng CCTV na nakakabit sa ibabaw ng Guadalupe Bridge matapos magloko ang kuha ng mga nakakabit na kamera sa lugar.
Ayon kay MMDA Public Information Office (PIO) chief Sharon Gentalian, unang napansin ng kanilang mga tauhan noong nakaraang linggo ang kakaibang tunog na nagmumula sa CCTV kaya’t pinatay upang isailalim sa pagkukumpuni.
Pero ng puntahan ang lugar noong Martes, natuklasan na pinagputol-putol at ninakaw na ang kable ng mga CCTV.
Dismayado si MMDA Chairman Atty. Don Artes sa nangyaring pagnanakaw ng mga kable ng kanilang CCTV.
