Rider na ‘nanaga’ ng P2K mula NAIA papuntang Cainta lisensya sinuspinde

Jun I Legaspi Jun 27, 2025
338 Views

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na protektahan ang mga komyuter laban sa mga abusadong drayber, sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng isang motorcycle taxi rider na naningil ng P2,000 sa pasahero mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 hanggang Cainta, Rizal.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, sinuspinde ng 90 araw ang lisensya ng drayber habang isinasagawa ang imbestigasyon sa insidente

“Si DOTr Secretary Vince Dizon mismo ang nangunguna sa pagtugis sa mga abusadong PUV drivers simula pa noong unang nag-viral ang insidente sa NAIA. Agad siyang naabisuhan tungkol sa panibagong kasong ito at nais niyang masigurong mapanagot ang sangkot na rider,” pahayag ni Asec Mendoza.

Batay sa paunang imbestigasyon, siningil umano ng rider ang kanyang pasahero ng P2,000 mula NAIA Terminal 3 papuntang Cainta, Rizal.

Ang insidenteng ito ng overcharging ay agad naging viral, dahilan upang umani ng pansin mula kina Secretary Dizon at sa social media monitoring team ng LTO.

Sa Show Cause Order (SCO) na ipinadala ng LTO, pinagsusumite ng paliwanag ang rehistradong may-ari ng motorsiklo kung bakit hindi siya dapat panagutin sa nasabing insidente ng overcharging.

Kasama rin sa isinasagawang imbestigasyon ang pagtukoy kung ang mismong rehistradong may-ari ang siyang nagmamaneho ng motorcycle taxi sa oras ng insidente.

Ayon kay Asec Mendoza, ang drayber ay nahaharap sa kasong “improper person to operate a motor vehicle” kung saan ang pinakamabigat na parusa ay ang tuluyang pagbawi ng lisensya.