Calendar
File photo ng spy equipment na natimbog ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa loob ng sasakyan habang nakaparada malapit sa main office building ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Maynila.
File photo ni JONJON C. REYES
Bagong batas vs sopistikadong paninitiktik isinusulong
NAGHAIN si Senador Panfilo “Ping” Lacson ng panukalang “New Anti-Espionage Act” upang palitan ang halos 80-anyos na batas kontra paniniktik sa Pilipinas. Ayon sa kanya, kailangang tugunan ng batas ang mga makabago at mas sopistikadong anyo ng paniniktik na maaaring magdulot ng banta sa pambansang seguridad.
Ipinaliwanag ni Lacson na papalitan ng panukala ang Commonwealth Act No. 616 ng 1941 at Article 117 ng Revised Penal Code. Nilalayon nitong isama sa depinisyon ng espionage ang paggamit ng pisikal, elektronik, cyber, o anumang ibang paraan na maaaring makasama sa Pilipinas o magbigay benepisyo sa ibang bansa, grupo, o indibidwal — lokal man o banyaga.
Binibigyang kapangyarihan din ng panukala ang mga awtorisadong tauhan ng militar, pulisya, at intelihensiya na mag-intercept ng komunikasyon, ngunit sa bisa lamang ng nakasulat na kautusan mula sa Court of Appeals.
Kabilang sa mga insidenteng binanggit sa panukala ay ang pagkakaaresto sa isang Chinese national noong Abril 2025 sa Maynila na may dalang IMSI catcher. Mula Enero hanggang Marso ng parehong taon, limang indibidwal ang nahuli sa mga sasakyang may advanced surveillance equipment malapit sa sensitibong lugar.
Sa Palawan, may nahuling gumagamit ng drone at solar-powered cameras, habang limang underwater drones naman ang nasamsam ng Philippine Navy mula 2022 hanggang 2024. Noong Mayo 2024, inaresto ang isang Chinese national na pinilit umanong ipaabot ang isang “Stingray” cell site simulator sa iba’t ibang lokasyon.
Batay sa panukala, ang sinumang mapatunayang sangkot sa paniniktik o tumulong sa ganitong gawain ay maaaring patawan ng habangbuhay na pagkakakulong nang walang parole, bukod pa sa multang ₱5 milyon hanggang ₱20 milyon. Kung opisyal ng gobyerno ang nasangkot, ito ay habambuhay na madidiskuwalipika sa paghawak ng anumang posisyon. Ang mga dayuhang makukulong ay ide-deport at hindi na papayagang makabalik sa bansa.
Saklaw rin ng panukala ang mga krimeng isinagawa sa labas ng Pilipinas, basta’t may koneksyon sa mga Pilipino o sa mga institusyon ng bansa. Kapag walang extradition treaty, maaaring irekomenda ng National Security Council ang deportasyon o pag-uusig sa tulong ng Bureau of Immigration o Department of Justice.
Dagdag pa rito, binibigyan ng kapangyarihan ang National Security Council na maglabas ng Access Blocking Orders upang ipasara ang mga online na nilalaman na tinuturing na banta sa pambansang seguridad, pampublikong kalusugan, diplomatikong relasyon, pananalapi, o halalan. Ang hindi pagtupad sa kautusan ay papatawan ng multang ₱1 milyon kada araw, hanggang sa halagang ₱500 milyon.
Pinapayagan din ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na siyasatin at i-freeze ang anumang pinansyal na asset na may kaugnayan sa paniniktik kahit walang court order. Sakop ng imbestigasyon ang mga deposito at investment sa bangko o kaugnay na institusyon.
Sa kabuuan, ipinunto ni Lacson na ang panukala ay isang komprehensibong tugon sa paniniktik na isinasagawa sa pisikal, pinansyal, at digital na anyo upang mapanatili ang pambansang seguridad sa makabagong panahon.

