Calendar
Pondo sa kalamidad hiniling ilabas bago sumapit ang sakuna
ITINULAK ni Senador Loren Legarda ang malaking pagbabago sa disaster response system ng pamahalaan, kung saan dapat ilabas ang pondo bago pa man tumama ang mga bagyo, baha at iba pang banta ng klima sa halip na pagkatapos pang makaranas ng pinsala ang mga komunidad.
Sa kanyang talumpati sa Asian Conference on Climate Change and Disaster Resilience sa Asian Institute of Management sa Makati City, sinabi ni Legarda na dapat nang kumawala ang bansa sa paulit-ulit na siklo ng pinsala, relief at pagkukumpuni. Ayon sa kanya, masyado nang nasanay ang pamahalaan sa pagbibilang ng mga nasawi at muling pagtatayo ng mga nasira sa halip na kumilos nang maaga upang maiwasan ang pinsalang kaya namang pigilan.
Nanawagan si Legarda sa pamahalaan na “legislate for anticipation” sa pamamagitan ng pagpapahintulot na magamit ang disaster funds bago pa sumapit ang kalamidad kapag malinaw na sa forecast ang panganib sa mga komunidad.
Iminungkahi niya ang modelong “Conditional Early Action,” na magpapahintulot na mai-pre-position ang pondo sa mga account ng local government units para sa mga preventive measure tulad ng pagpapatibay ng mga paaralan, pagbili ng early warning systems, at paghahanda ng portable food reserves.
Ayon kay Legarda, matagal nang tinatrato ng national budget ang climate finance bilang gastusin pagkatapos ng sakuna, kung saan malalaking halaga ang inilalaan matapos ang kalamidad ngunit maliit na suporta lamang ang ibinibigay bago pa man dumating ang panganib.
Sinabi niya na dapat bigyan ng awtoridad ang Department of Budget and Management na maglabas ng disaster funds batay sa forecast, hindi lamang pagkatapos magdeklara ng state of calamity.
Iminungkahi rin ni Legarda ang automatic cash transfers kapag ang mga scientific agency gaya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ay nagbabala ng matinding banta, kabilang ang storm surges.
Sinabi niya na dapat isama ang anticipatory action sa Conditional Cash Transfer program upang makalikas nang maaga ang mga pamilya, makabili ng emergency supplies, makapag-imbak ng pagkain, at maprotektahan ang sarili nang may dignidad bago pa mangyari ang sakuna.
Ayon kay Legarda, ang kababaihan, indigenous communities, matatanda, persons with disabilities, at mga pamilyang nasa geographically isolated areas ay humaharap sa mas malalim at magkakapatong na panganib kaya dapat silang unahin sa anticipatory financing.
Ipinaalala rin niya sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan na sila ang mga unang tumutugon sa panahon ng sakuna at hindi dapat maghintay ng memorandum o pormal na deklarasyon ng climate emergency bago kumilos.
Nanawagan si Legarda sa development partners, kabilang ang Asian Development Bank at World Bank, na repasuhin kung ang mga nakaraang financing pattern ay nakabawas sa kahinaan ng mga komunidad o lalo pang nagpalala sa panganib.
Sinabi niya na ang disaster resilience ay dapat ituring bilang financial risk management at climate justice, hindi lamang bilang social spending.
Para kay Legarda, ang preparedness ay dapat sukatin hindi sa dami ng naitatayong muli ng pamahalaan matapos ang sakuna, kundi sa mga pinsalang napipigilan bago pa ito mangyari.

