LTO

LTO binawi lisensya ng truck driver na nakapatay ng 3 katao

Jun I Legaspi Jul 4, 2025
373 Views

SA direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na habulin ang mga pasaway na motorista, binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng driver ng trailer truck na sangkot sa aksidente sa Marikina City na ikinamatay ng tatlong tao.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, bukod sa pagbawi ng kanyang lisensya, pinatawan din ng pinakamabigat na parusa ang driver dahil sa reckless driving.

Nag-ugat ang imbestigasyon sa nangyaring aksidente noong Abril 23 kung saan isang humaharurot na truck ang tumagilid at nadaganan ang tatlong sasakyan. Tatlo ang nasawi at 10 ang nasugatan sa trahedya.

Sinabi ni Asec. Mendoza na hindi tinanggap ng LTO ang dahilan ng driver na nawalan umano ng preno ang truck matapos lumabas sa masusing pagsusuri na walang ebidensyang sumusuporta sa kanyang pahayag.

Ayon pa kay Asec. Mendoza, ang pagkasawi ng tatlong indibidwal at lawak ng pinsala ay sapat na patunay ng kanyang pagiging reckless driver at improper person to operate a motor vehicle.

Ipinalagay rin sa alarm status ang truck na sangkot sa insidente at inatasan ang lahat ng law enforcement officers na arestuhin ang nasabing driver sakaling mahuling muling nagmamaneho ng anumang sasakyan.