Biktima

Pinay na biktima ng mail-order bride modus naharang sa NAIA

Jun I Legaspi Jul 5, 2025
398 Views

NAHARANG ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1 ang isang Filipina na hinihinalang biktima ng mail-order bride scheme noong Hunyo 29.

Ayon kay Commissioner Joel Anthony M. Viado, ang insidente ay bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa human trafficking alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Ang babae, 41 taong gulang, may kasamang 52-anyos na Moroccan na lalaki nang maharang sa airport.

Ang mga pagkakakilanlan ng mga sangkot ay hindi isinapubliko alinsunod sa batas laban sa human trafficking.

Nagkunwaring mag-asawa ang dalawa at sinabing sila ay magbibiyahe patungong Morocco pero dadaan muna sa Saudi Arabia.

Ayon sa BI, maraming hindi magkakatugmang detalye ang lumabas sa kanilang magkahiwalay na panayam.

Nagpakita pa sila ng sertipiko ng kasal ngunit hindi tugma sa kanilang mga pahayag at personal na impormasyon.

Dahil dito, isinailalim ito sa forensic examination ng BI Anti-Fraud Section.

Natuklasan ng forensic documents laboratory na pekeng dokumento ang kanilang isinumite.

Kaagad na inilipat ang dalawa sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa mas malalim na imbestigasyon.

“Hindi namin palalampasin ang paggamit ng mga pekeng dokumento para sa human trafficking. Ang sinumang mahuling gumagamit ng ganitong paraan ay papatawan ng pinakamabigat na parusa ayon sa batas,” dagdag pa ni Viado.