Isko

Citywide cleanup na utos ni Yorme Isko sa 896 bgy isinagawa

Edd Reyes Jul 5, 2025
417 Views

Isko1BUMUHOS ang magagandang komento sa social media na hashtags #LinisKoMaynila at #MakeManilaCleanAgain sa unang araw ng Sabado, Hulyo 3.

Ito’y bunga ng paglilinis at pag-aalis ng bara ng mga opisyal ng barangay, residente, at kawani ng lokal na pamahalaan bilang pagtalima sa inilabas na Executive Order No. 3 ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na nag-aatas sa 896 na barangay sa Maynila na gawing regular ang malawakang paglilinis sa mga lansangan at pag-aalis ng bara sa daluyan ng tubig tuwing araw ng Sabado.

Isa lamang ito sa mga isinasagawang pamamaraan ni Yorme Isko upang matugunan ang tumaas na pagkabigo ng publiko sa nakaraang adminisrasyon hinggil sa nagkalat na ga-bundok na basura sa lansangan, baradong mga kanal, at malawakang mga pagbaha.

Sa unang araw pa lang ng pagtalima sa kautusan ng alkalde, kanya-kanya ng post sa social media ang mga residente at barangay ng larawan ng malinis na kalsada, kanal, bangketa, at wala na rin ang lugar na dating ginawang tambakan ng basura na patunay ng kanilang buong suporta sa kasalukuyang administrasyon.

Magugunita na sa unang State of the City Address ni Mayor Isko Moreno, tiniyak niya na kanyang isasakatuparan ang lahat ng binitawang patakaran sa buong panahon ng kanyang pamumuno.

Umapela naman si Manila Barangy Bureau (MBB) Director Joel Par sa lahat ng mga opisyal ng barangay na makipagtulungan upang muling manumbalik ang kalinisan at kaayusan ng lungsod.

“Ang pamahalaang lungsod po ng Maynila, sa maliit na kaparaanan, hinahakot na po ang mga tambak na basura. Kapag umuulan, napupunta ang basura sa mga kanal at estero,” sabi ni Director Par. “Every Saturday na po itong gagawin, alinsunod sa kautusan ng alkalde,” dagdag nya.

Direkta rin siyang nanawagan sa mga opisyal ng barangay na kalimutan na ang pulitika at sa halip ay magkaisa at magtulungan upang mabigyang kalutasan ang panganib sa kalusugan sanhi ng krisis sa basura.

“Tapos na po ang halalan, kaya ang panawagan ng ating alkalde, ituon ang ating panahon at kagalingan para magkaroon ng isang boses para matugunan ang suliranin sa basura,” sabi ni Par.