2 kalaboso sa tangkang panghahalay

228 Views

ARESTADO ang dalawang lalaki na nagtangka umanong humalay sa isang saleslady sa Quezon City.

Kinilala ang mga suspek na sina Julito Sulay, 18 taong gulang, nakatira sa Brgy. Socorro, Cubao, Quezon City at Jose Grino, 23 taong gulang, taga-Brgy. San Roque, Cubao.

Ayon sa ulat ng pulisya, nag-inuman ang dalawa sa isang KTV bar sa kanto ng P.A. Bernardo at EDSA na sakop ng Brgy. San Martin De Porres, Cubao.

Alas-2:30 ng umaga noong Hunyo 19 ay pumasok umano sa banyo ang biktimang itinago sa pangalang Jane.

Sumunod umano sa loob si Sulay samantalang si Grino ang nagsilbing bantay sa labas.

Nanlaban umano ang biktima hanggang sa makatawag ito ng pansin sa isang staff na humingi ng tulong.

Sinipa umano ni Grino ang isang lalaki na tutulong sana at tinulungan ang kasama na makatakas.

Rumesponde ang mga tauhan ng Police Station 7 na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek na nahaharap ngayon sa kasong attempted rape.