Hontiveros1

Hontiveros nagsampa ng cyber libel vs dating testigo, 6 na vlogger

NAGSAMPA si Senadora Risa Hontiveros ng mga kasong cyber libel laban sa isang dating testigo at anim na vlogger sa Department of Justice Prosecution Service, dahil sa umano’y pagpapakalat ng maling impormasyon kaugnay ng imbestigasyon sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Ayon sa senadora, ang reklamo ay nakasentro sa isang video kung saan binabawi ng nasabing testigo ang nauna niyang pahayag at inaakusahan siyang nang-bribe at nanakot.

“Ayon sa aking legal team, ang nararapat na kaso ay cyber libel,” saad ni Hontiveros. Binatikos niya ang diumano’y “sistematikong atake” laban sa kanyang opisina, sa Senado, at sa mga testigo, bunsod ng pagpapakalat ng mga kasinungalingan “nang walang pakialam kung totoo o hindi.”

Nauna nang nagreklamo si Hontiveros sa NBI upang matunton ang testigo na umano’y nagpadala ng mensahe noong Hunyo 22 at 23 na siya raw ay kinidnap at ikinulong sa Glory Mountain, isang lugar na inuugnay sa KOJC. “Kaagad namin finorward sa PNP Davao para aksyunan nila,” aniya.

Gayunman, iginiit ng senadora na kailangang linawin ng testigo ang mga salungat sa kanyang mga pahayag. “Pero kailangan niyang magpaliwanag bakit siya nagsinungaling at nagsisinungaling ngayon,” dagdag niya.

Binigyang-diin ng mga reklamo na ang video at mga sumunod na post ay hindi lamang simpleng opinyon kundi tangka upang siraan ang mga testigo at pahinain ang imbestigasyon ng Senado. “Lifelong na naniniwala ako at nagtataguyod ng freedom of speech… hindi yan nag-e-extend sa pagkalat ng mga kasinungalingan,” giit ni Hontiveros.

Ayon sa mga ulat, kumalat sa social media ang video sa tulong ng mga pro-KOJC pages. Sinabi ni Hontiveros na iniimbestigahan na ng kanyang legal team at ng NBI ang metadata at social media activity upang matukoy kung may sabwatan sa likod ng mga ito. Tinukoy rin niyang layunin nilang tukuyin kung sino ang nasa likod ng naturang page, na tinawag niyang “fake news channel.”

Ipinahiwatig din ng senadora na posibleng madagdagan pa ang mga kaso habang patuloy ang pangangalap ng digital na ebidensya. Giit niya, kahit pa sabihing opinyon ang mga pahayag ng mga sangkot, nalampasan na nito ang hangganan ng malayang pamamahayag at pasok na ito sa libelo, lalo na’t may kaugnayan ito sa isang sensitibong imbestigasyon ng Senado.

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na pahayag ang DOJ at NBI ukol sa reklamo.