Martin2 Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez

Romualdez, nangakong paiigtingin paglikha ng trabaho, pag-akit ng pamumuhunan

290 Views

Muling nangakong paiigtingin ang kanyang suporta sa adyenda pang-ekonomiya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. si Leyte 1st District Representative at House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Miyerkules, sa pamamagitan ng pag-akit ng mas maraming pamumuhunan at paglikha ng mas magagandang trabaho para sa mga Pilipino.

Binigyang-diin ni Romualdez na ang isang matatag at empowered na labor force ay susi upang mapanatili ang momentum ng pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

Kinilala ni Romualdez ang tuloy-tuloy na pagsisikap ng administrasyong Marcos na makalikha ng trabaho, matapos iulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagbaba ng bilang ng mga walang trabaho. Mula 2.06 milyon noong Abril, bumaba ito sa 2.03 milyon noong Mayo, at ang unemployment rate ay bumaba mula 4.1% tungong 3.9%. Tumaas din ang kabuuang bilang ng may trabaho sa 52.32 milyon noong Mayo 2025 mula 50.74 milyon noong Abril at 50.97 milyon noong kaparehong buwan ng nakaraang taon.

“Pursigido ang pamahalaan ni Pangulong Marcos na tulungan ang ating mga kababayan na umahon sa kahirapan at makahanap ng dekalidad na trabaho o makapagtayo ng sariling negosyo. Paiigtingin natin ang mga hakbang ng Pangulong Marcos para makalikha pa ng maraming trabaho sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga dayuhang mamumuhunan at sa pribadong sektor,” pahayag ni Rep. Romualdez, na siya ring Pangulo ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD).

Dagdag pa niya, ang patuloy na pagbuti ng employment data ay malinaw na ebidensya na epektibo ang mga programa ng administrasyong Marcos.

“Nais nating tuparin ang mga pangarap ng ating mga kababayan na mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga mahal sa buhay. Ito ang tungkulin ng Kongreso bilang kanilang mga kinatawan,” ani Romualdez, isang abogado na nagtapos sa University of the Philippines (UP).

Ayon sa kanya, pangunahing bahagi ng kanyang adyenda ang mas maayos na koneksyon sa pagitan ng mga manggagawa at employer, pagsasanay para sa mga gustong magnegosyo, at pagtutok sa mga trabahong kinakailangan sa hinaharap.

Ipinangako rin niyang masusing pag-aaralan ang panukalang 2026 National Expenditure Program upang matiyak na may sapat na pondo ang Department of Labor and Employment (DoLE) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa mga programa sa paghahanda sa trabaho at kabuhayan.

Noong nakaraang Kongreso, pinangunahan ni Romualdez ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair na nagdala ng daan-daang programa ng gobyerno sa mga komunidad, kabilang na ang job fairs, livelihood grants, at suporta sa maliliit na negosyo.

“Ang matatag na pag-unlad ng ekonomiya ay posible lamang kung walang Pilipinong naiiwan. Dapat mailapit natin ang bawat oportunidad—mula sa skills training hanggang sa disenteng trabaho—sa bawat masipag na mamamayan,” ani Romualdez.