Isko

Utang ng dating admin nilulutas ni Yorme Isko

Edd Reyes Jul 19, 2025
191 Views

PATULOY si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa pakikipag-usap sa mga ahensiya ng pamahalaang pinagkakautangan ng nakaraang administrasyon para hindi makaapekto sa mga magreretirong kawani.

Kinausap na rin ng mayor noong mga nakaraang araw ang Pangulo at General Manager ng Government Service Insurance System (GSIS) na si Jose Arnulfo “Wick” Veloso.

Nauna ng natuklasan ng alkalde sa unang araw pa lang ng panunungkulan na milyon-milyon din ang iniwang bayarin ng nakaraang administrasyon sa GSIS na tiyak na makakaapekto sa pagreretiro ng mga kawani ng lokal na pamahalaan kung hindi magagawan ng paraan.

Ipinaliwanag ni Yorme Isko kay Veloso at sa lahat ng opisyal ng GSIS na sa halip na sisihin ang ibang tao, kailangang harapin na lang niya ang problema, basta ang mahalaga malaman ng taumbayan kung saan sila nagsimula at ano ang pinagtapusan.

“Basta ma-secure ko lang yung kinabukasan ng mga empleyado because they were part of our services, it is quite unfair for us politicians, we post our pictures everywhere as if we did something, and yet most of it is, ginawa naman namin yun kasama mga empleyado. We’re doing service to others but we’re doing disservice to our employees? I think that’s wrong,” paliwanag ni Yorme Isko.

Tiniyak ni Veloso na hahanap sila ng paraan upang matulungan ang Maynila na mabayaran ang malaking obligasyon kaya’t sa harap mismo ng alkalde ay kinonsulta niya ang mga opisyal kung papaano nila mabibigyan ng pagkakataon ang Maynila na mabawasan ang mga penalties at surges sa naiwang bayarin.

Sinabi naman ni Yorme Isko na nais muna nilang bigyang prayoridad ang pagrereiro ng may 42-kawani kahit yung mga bago lang na-regular, upang kumpleto nilang matanggap ang kanilang benepisyo sa mahabang panahong pagsisilbi sa gobyerno.

“Sa mga minamahal naming empleyado ng Manila City Hall, pumanatag po kayo, lalo na sa ating mga magreretiro,” pagtiyak ng alkalde sa mga kawani.