Yorme Kuha ni JONJON C. REYES

Yorme Isko inilatag mga nagawa, direktiba sa unang 2 linggo

Edd Reyes Jul 18, 2025
338 Views

IPINAHAYAG ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang kaniyang mga nagawa at mga direktiba sa unang dalawang linggo ng kanyang pagbabalik bilang punong ehekutibo ng lungsod ng Maynila, na patunay na ang kanyang programang “Bilis Kilos 2.0” ay aktibong isinasagawa.

“Gagamitin ko ang araw na ito para maghatid ng report card. Gagawin kong pagkakataon ito upang iulat sa inyo ang mga nangyari nitong nakaraang dalawang linggo sa Maynila,” sabi ng Alkalde sa kanyang talumpati sa harap ng mga miyembro ng Rotary Club of Manila nitong Huwebes.

Ayon kay Domagoso, pinangunahan at inayos niya ang mahigit 78 pulong, kaganapan, at aktibidad mula nang manungkulan siya muli sa ganap na 12:01 n.g. noong Hunyo 30, 2025. Nagsagawa rin siya ng 31 executive orders, 2 ordinansa, at 16 na inspeksyon sa mga lugar upang matiyak na maayos at epektibo ang pagpapatakbo ng lungsod mula sa unang araw pa lamang.

Isa sa mga kautusang nilagdaan niya ay ang Executive Order No. 1, na binibigyang-diin ang pagsasabuhay ng Mabuting Asal at Tamang Pag-uugali ng mga kawani at opisyal ng lungsod.
“Dito sa City Hall magsisimula ang pagbabago. Ang aking opisina ang magiging Kilometer Zero ng patakarang ito. Ang City Hall ang mangunguna sa mabuting halimbawa,” diin ni Domagoso.

Kabilang din sa mga E.O. ang mga kautusang may kaugnayan sa bukas na pamahalaan, lunsod-wide na paglilinis at unclogging tuwing Sabado, at reorganisasyon ng mga komite at espesyal na lupon sa lungsod.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng personal na pagbibisita sa mga gawain tulad ng pagwawalis sa mga lansangan, paglilinis ng estero, pagbubukas ng floodgates, at maintenance sa mga ospital na pinapatakbo ng LGU.

Sa loob ng dalawang linggo, maraming ulit niyang pinulong ang mga pangunahing konseho ng lungsod: dalawang beses ang City Health Board, dalawang beses ang City School Board, dalawang beses ang City Disaster Risk Reduction and Management Council, at isang beses ang Manila Peace and Order Council.

Upang mapagaan ang pasaning pinansyal ng mga residente at negosyo, nilagdaan ni Domagoso ang General Tax Amnesty Ordinance, na layong magbigay-ginhawa at hikayatin ang pagsunod sa buwis ng mga mamamayan.

Simula nang siya ay bumalik sa pwesto, iniulat niyang may 433 bagong negosyo na nag-apply para sa permits, at nakalikom ang pamahalaang lungsod ng ₱103 milyon sa buwis, sa kabila ng mahigpit na sitwasyon sa pananalapi.

Pagdating sa kaligtasan ng publiko, nangako si Domagoso ng seryosong kampanya laban sa krimen.
“Sa Maynila ngayon, maaaring hindi ko mapigilan ang krimeng maaaring gawin ng isang indibidwal… pero ginagarantiya ko sa inyo, tatalupan ko ang buong Pilipinas, mahuli sila at mapanagot sa batas at husgado,” aniya.

Ipinahayag din niya ang layunin niyang gawing mapayapa ang Maynila upang ang mga residente ay makatulog nang mahimbing.
“Gusto ko ang mga taga-lungsod ay natutulog nang mahimbing, walang ingay ng motor. Gusto ko ang mga bata ay naibabalik ang paggalang at pagsunod sa mga magulang,” dagdag niya.

Tungkol naman sa panawagan niya sa mga menor de edad na umuwi nang maaga at igalang ang awtoridad ng mga magulang, sinabi niya:
“We-u na, logtu na kapag maghahatinggabi na,” pagbibiro ng alkalde.

Dagdag pa ni Domagoso, ang pagpapanumbalik ng kaayusan sa mga lansangan at disiplina sa mga komunidad ay mahalagang bahagi ng muling pagbangon ng lungsod.