Calendar
LP may bagong evacuation facility
NAPAPANAHON ang inagurasyon ng bagong 2-storey na evacuation facility sa Las Piñas sa Golden Acres Subdivision, Talon Uno dahil panahon ngayon ng tag-ulan.
Pinangunahan nina Mayor April Aguilar at Vice Mayor Imelda Aguilar ang inagurasyon ng evacuation facility noong Huwebes sa Marcos Alvarez Avenue na bahagi ng tuloy-tuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na palakasin ang paghahanda sa mga sakuna at mabigyang kaligtasan ang mamamayan.
May kabuuang 73.343 metro-kuwadradong floor area ang pasilidad na kumpleto sa lugar na mabibigyang ginhawa ang mga bakwit na residenteng biktima ng kalamidad na pinondohan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Mayroon din palikuran para sa mga lalaki at person with disability (PWD) sa unang palapag na may shower area, kitchen, bakanteng espasyo at entablado habang nasa ikalawang palapag ang palikuran ng mga babae na mayroon ding shower at wash areas.
Ayon sa mga opisyal ng lungsod, ang evacuation center magsisilbing kanlungan ng mga pamilyang nabiktima ng kalamidad.
Ang naturang proyekto ay bahagi ng malawak na programang pang-imprastraktura ng lokal na pamahalaan na layong magbuo ng matatag na komunidad at matiyak na ang kanilang pangunahing serbisyo ay maibigay sa panahon ng pangangailangan.

