Oducado

Manila Water, Maynilad hinilin imbestigahan dahil sa mga baradong drainage

Mar Rodriguez Jul 25, 2025
356 Views

NAIS paimbestigahan ni 1-TAHANAN Party List Rep. Nathaniel “Atty. Nat” M. Oducado sa Kamara de Representantes ang Manila Water at Maynilad upang magpaliwanag kaugnay sa mga sewerage system sa Metro Manila na barado ng basura gayong sila ang may pangunahing responsibilidad dito.

Pagbibigay diin ng kongresista na mahalagang magpaliwanag ang mga naturang water companies kung saan napupunta ang sinisingil nila sa kanilang mga consumers para sa maintenance ng kanilang Sewerage Treatment Plant (STP).

Ayon kay Oducado, naniningil umano ang Manila Water at Maynilad para sa maintenance ng STP subalit nitong mga nagdaang araw habang nananasala ang Bagyong Crising ay pinuksa ng matinding pagbaha ang napakaraming residente sa Metro Manila.

Paliwanag ni Oducado na ang pagbabara ng mga drainage sa Kalakhang Maynila dahil sa tambak na basura ang dahilan ng mga pagbaha na responsibilidad ng Manila Water at Maynilad para ito ay linisin alinsunod sa Republic Act No. 9275 o ang Clean Water Act.

Sabi pa ng neophyte Party List solon na ang Manila Water at Maynila bilang mga water concessionaires ay mayroong mandatong tumalima sa itinatakda ng RA. No. 9275 kung kaya’t ang maintenance ng mga STPs ay nasa ilalim ng kanilang pangangalaga.

Dagdag pa ni Oducado na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mangangalaga para tiyakin na maayos ang mga waste water treatment at pagtalima sa environmental regulations partikular na sa aspeto ng STPs kabilang na ang pagtutok sa operasyon ng Manila Water at Maynilad.

“Ang may pangunahing responsibilidad sa ating mga drainage o sewerage system ay ang Manila Water at Maynilad. Naniningil sila sa mga water consumers para sa maintenance ng mga iyan. Ang tanong, saan napupunta ang kanilang sinisingil? Gayong bahang-baha sa Metro Manila dahil sa mga nakatambak na basura,” sentimyento ni Oducado.

Gayunman, ikinatuwiran ni Oducado na layunin ng ikakasang imbestigasyon ng Kamara na mahingan ng paliwanag ang dalawang water concessionaire patungkol sa isyung ito para maisa-ayos ang problema sa tuwing magbabaha na lamang sa Metro Manila.