Calendar
Maaga pa i-assess epekto ng trade deal ng PH sa US
MASYADO pang maaga upang i-assess ang magiging epekto ng katatapos pa lamang na US-Philippine trade deal sa exports ng agrikultura ng Pilipinas.
Ito ang inihayag ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. matapos gawing 19 porsiyento na lamang mula sa 20% ang ipapataw na taripa sa mga Philippine export na papasok sa Estados Unidos.
Nauna nang inihayag ni United State President Donald Trump na pumayag ang Pilipinas na makapasok ang mga produkto ng Amerika ng walang tripa, habang ang Philippine exports na papasok sa US ay mayroong 19% na taripa – mas mataas kaysa sa 17 % na naunang iminungkahi at kalaunan ay ginawang 20%.
“Hindi pa masasabi sa ngayon kung makikinabang ang agrikultura ng Pilipinas sa trade deal sa Amerika, lalo na at marami ang kakumpetensiya na patuloy na nakikipagnegosasyon para sa mas magandang termino,” ani Tiu Laurel.
Tinapyasan na ng US ang ipinataw na taripa sa Indonesian exports mula 32 percent ay ginawang 19%. Nakakuha naman ang Vietnam ng 20% mula sa iminungkahi ng 46% habang mabubuwisan ng 40 percent ang transhipped na mga kalakal. Isinasapinal pa ang deal sa Thailand at Cambodia at iminungkahi ang 36 percent tariff.
Bagamat tinatamasa ng Pilipinas ang pangkalahatang USD3.98 billion trade surplus sa US noong 2024, nakaranas pa rin ng USD1.95 billion deficit sa kalakalan sa agricultura – sa kabila ng mas malaking shortfall na USD 2.36 billion noong 2023.
Ang coconut oil ang pangunahing agricultural export ng Pilipinas sa US noong nakalipas na taon, at kumita ng USD558.7 million.
Samantala ang mga pangunahing import ng bansa mula sa US ay animal feeds (USD1.36 billion), cereals at cereal products (USD838.1 million), at iba pang pagkain at mga buhay na hayop (USD384.1 million ).
Sinabi ni Tiu Laurel na sa unang pagtingin, ang zero tariff ng agricultural imports ng US ay makakasuporta sa layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makamit ang seguridad sa pagkain ng Pilipinas sa pamamagitan nang pagbaba sa gastos ng mga pangunahing inputs – lalong lalo na ang livestock production.

