Calendar
Source: NDRRMC
Mga bagyo matindi tama sa palay, high value crops; pinsala umabot sa P454.1M
UMAKYAT na sa P454.1 milyon ang pinsala sa agrikultura mula sa pinagsamang epekto ng Tropical Cyclone Crising at Habagat, kung saan matinding tinamaan ang mga palay at high value crops batay sa datos na inilabas nitong Huwebes ng Department of Agriculture (DA).
Sa ibinigay na report ni Agriculture Undersecretary for Operations Roger Navarro sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nakaapekto ang malakas na pag-ulan at malalang pagbaha sa 20,413 ektarya ng mga pananim at apektado dito ang 20,959 na mga magsasaka at mangingisda.
Karamihan sa mga napinsala ay 16,937 na mga magsasaka ng palay. Mula sa 18,490 ektarya ng mga apektadong palayan, 3,504 ektarya ang idineklarang totally damaged o hindi na mapakinabangan.
Batay sa pagtaya, umabot ng ang 8,256 metriko tonelada ng palay na nagkakahalaga ng P275 million. Kabilang sa mga lalawigang matinding napinsala at ang Occidental Mindoro, Cagayan Valley, Palalwan, Tarlac at Nueva Ecija.
Nasa 3,540 metric tons ng high value crops na nagkakahalaga ng P117.2 million ang nasira dahil sa epekto ng TC Crising at habagat habang ang napinsala sa pananim na mais ay tinatanggap nasa P38.9 million.
Ipinabatid ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. sa Pangulo ang ginagawang inisyatiba ng DA bilang pagtugon sa mga naapektuhang sakahan. Bilang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bilisang makabawi ang sektor ng pagtatanim at pangisda, namahagi ang DA ng P596.5 million halaga ng agricultural at fishery inputs tulad ng palay, mais, at mga buto ng gulay; seedlings, pestisidyo, forage seeds; free-range chicken at fingerlings.
Dagdag dito ang 2,100 bags ng bigas mula sa National Food na dinala ya sa local government units sa Palawan, Polangui at Provincial Social Welfare and Development office ng Albay.
Gagamitin ng DA ang kanilang Quick Response Fund upang mapabilis ang rehabilistasyon, habang naglaan ang Agricultural Credit Policy Council ng P400 million interest free na pautang sa ilalim ng Survival and Recovery (SURE) program.
Maari pang mapalitan ang mga numerong ito depende sa magiging resultant on-the-ground validation.
“Ito ay nagpapatuloy na kalamidad, at habang maraming bagyo ang pumapasok sa Philippine Area of Responsibility, maaring lumabas ang epekto ng habagat,” ani Tiu Laurel.
Inatasan na rin ang Philippine Crop Insurance Corporation na bilisan ang pagbabayad ng pinsala sa mga naapektuhang magsasaka at mangingisda.
Kababalik lamang ni Tiu Laurel mula sa kanyang medical leave at sumama sa mga pagbisita ng Pangulo sa mga apektadong lugar.
Magtutungo ang mga DA undersecretaries at iba pang opisyal sa mga lalawigang matinding nasalanta ng kalamidad upang tingnan ang sitwasyon at alamin kung ano ang kailangan ng mga magsasaka at mangingisda.
” Sobra na ang dinanas ng ating mga magsasaka at mangingisda,” ani Tui Laurel.
“Nais nating ipakita na nandoon tayo para sa kanila, makinig sa kanilang mga hinaing at mabilis na makatugon upang makabalik agad ang mga ito sa kanilang normal na ginagawa,” dagdag ni Tiu Laurel.

