House

Speaker Romualdez, Tingog inihain reso para buksan proseso ng badyet sa civil society observers

292 Views

NAGHAIN ang liderato ng Kamara de Representantes ng isang resolusyon na naglalayong patatagin ang pakikilahok ng mga civil society groups bilang opisyal na non-voting observers sa mga pagdinig ng makapangyarihang Committee on Appropriations — isang hakbang na kanilang inilalarawan bilang makasaysayan upang isulong ang transparency at pamahalaang nakasentro sa mamamayan.

Ang panukala, na inihain nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at mga kinatawan ng Tingog Party-list na sina Yedda Marie K. Romualdez, Andrew Julian K. Romualdez, at Jude A. Acidre, ay nagpapatibay sa pangako ng Kamara sa inklusibong pag-unlad at makabuluhang partisipasyon ng publiko sa isa sa pinakamahalagang tungkulin ng lehislatura: ang pagbubuo ng pambansang pondo.

“We want a budget process that truly listens to the people. Mahalagang may boses ang taumbayan sa umpisa pa lang ng budget deliberation upang lalong matugunan ang mga pangangailangan ng mamamayan,” ayon kay Speaker Romualdez.

“Kaya gusto natin siguraduhin na may kinatawan ang civil society sa mga pagdinig. This will ensure that the budget process is transparent and accountable to the people,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Ang House Resolution (HR) No. 94, na layon nilang maaprubahan bago magsimula ang 2026 budget cycle, ay naglalayong kilalanin ang mga lehitimong people’s organizations at bigyang-daan ang kanilang pakikilahok bilang mga non-voting observers sa lahat ng pampublikong pagdinig ng House Committee on Appropriations at mga sub-committer nito.

Sa ilalim ng ipinapanukalang alituntunin, ang Committee on Appropriations, katuwang ang Committee on People’s Participation, ang magtatakda ng mga pamantayan, proseso ng accreditation, at saklaw ng partisipasyon ng civil society alinsunod sa mga patakaran ng Kamara.

Binanggit sa resolusyon ang 1987 Constitution, partikular ang Section 15 at 16 ng Artikulo XIII, na kumikilala sa karapatan ng taumbayan at kanilang mga organisasyon na makilahok sa mga desisyong pampubliko at protektahan ang kanilang kolektibong interes.

Tinukoy din ang Section 3, Chapter 2, Boom VI ng Revised Administrative Code, na nagsasaad na ang badyet ay isang kasangkapan sa pambansang kaunlaran.

Binigyang-diin ng mga may-akda na ang mga people’s organizations na kumikilos sa mahahalagang sektor tulad ng edukasyon, kalusugan, kapakanan ng lipunan, kapaligiran, agrikultura, at lokal na pamahalaan ay may mahalagang kaalaman at karanasang makatutulong upang maging mas tumutugon at makatao ang proseso ng pagba-budget.

Ang pagsusumikap na isama ang civil society sa proseso ng budget ay naaayon din sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa mas mahusay na pamamahala sa pananalapi at pagtutok ng administrasyon sa muling pag-aayos ng paggasta ng pamahalaan tungo sa mga pangunahing prayoridad gaya ng imprastruktura, kalusugan, at digitalization.

Paulit-ulit na ring nananawagan si Speaker Romualdez sa mas bukas na proseso sa bicameral conference committee kapag pinagkakasunduan ang pinal na bersyon ng pambansang budget kasama ang Senado, upang mas maging transparent ang paggawa nito.

“It’s about giving citizens a seat at the table, through civil society organizations,” ani Speaker Romualdez.