Calendar
Source: PRO3
27 Tsino tiklo, 8 Pinay na-rescue sa crypto scam hub sa Clark
Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga — Nabuwag ng mga awtoridad ang isang malakihang operasyon ng crypto scam at iligal na POGO hub sa Clark Freeport Zone noong Martes na nagresulta sa pag-aresto sa 27 Chinese national at pagsagip sa walong Pilipiba na umano ay nagtatrabaho sa online scam.
Sinalakay ng mga miyembro ng Regional Intelligence Division (RID), Regional Special Operations Group 3 (RSOG3), Bureau of Immigration’s Field Support Unit (FSU-BID), at Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) ang Asian Greenville Resort na matatagpuan sa Jose Abad Santos Avenue, Clark Freeport Zone, Mabalacat City.
Batay sa isang mission order noong Hulyo 25, 2025 na inilabas ng Fugitive Search Unit-Bureau of Immigration, ang operasyon ay humantong sa pag-aresto sa 24 na Chinese nationals (22 lalaki at 2 babae) na nahuli sa akto ng pagpapatakbo ng isang cryptocurrency investment scam hub.
Sa pagsalakay, nadiskubre rin sa lugar ang walong babaeng Pinay na umano ay nagtatrabaho doon.
Makalipas ang isang oras, isinagawa naman ang follow-up operation sa isang unit sa Clark Hills Village at naaresto ang tatlo pang Chinese national na sangkot sa phishing at iba pang aktibidad na may kinalaman sa online scamming.
Ang operasyon ay isinagawa batay sa isang mission order na may petsang Agosto 4, 2025 na inilabas din ng FSU-BID.
Nasamsam ng mga awtoridad sa mga operasyon ang ilang computer workstation at electronic device, na ngayon ay sumasailalim sa forensic examination.
Pinuri ni PRO3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr. ang matagumpay na operasyon.
“Ang mga operasyong ito ay isang patunay ng aming pinaigting na kampanya laban sa transnational cybercrimes at mga ilegal na aktibidad ng POGO. Nagpapadala kami ng isang malinaw na mensahe — na ang Central Luzon ay hindi kanlungan ng mga manloloko at mapagsamantala. Pinupuri ko ang FSU-BID, RID, RSOG3, at lahat ng kasamang ahensya para sa kanilang mabilis at maayos na pagkilos laban sa mga sindikatong ito,” pahayag ni Penones.

