Calendar
Deliberasyon sa pagtaas sa Batangas port terminal fee ipagpapaliban
CALAPAN CITY — Ipagpapaliban ang deliberasyon sa petisyon ng Asian Terminals Inc. (ATI) na itaas ang passenger terminal fee sa Batangas Port mula P30 sa P100, ayon kay Gob. Bonz Dolor.
Sinabi ito ng opisyal sa kanyang live phone patch kay Board Member Marion Marcos, chairperson ng Committee on Transportation, Communication, Public Information and Mass Media, sa ginanap na committee hearing tungkol dito.
Ang desisyong ito ay bunga ng kanyang direktang pakikipag-ugnayan kay PPA General Manager Jay Santiago at DOTr Secretary Vince Dizon na pumayag na pag-aralan muna ang isyu bago ito isulong.
Hindi napapanahon ang usaping nabanggit sa gitna ng umiiral na state of calamity sa Oriental Mindoro, ayon sa gobernador.
Bilang tugon sa liham ni Gob. Bonz sa SP, pinangunahan ni Vice-Governor Jojo Perez ang pagdinig katuwang ang Committee on Laws sa pamumuno ni Board Member Atty. Roland Ruga.

