Just In

Calendar

January 2025
M T W T F S S
 12345
6789101112
13141516171819
20212223242526
2728293031  
Cayetano

10K Ayuda Bill ihahain agad ni Sen. Alan para maaprubahan

196 Views

IHAHAIN agad ni Senator Alan Peter Cayetano ang 10K Ayuda Bill at iba pang priority bills sa Senado para mapadali ang proseso ng pag-apruba at pagpapatupad nito.

Sa kanyang talumpati sa oath-taking ng mga bagong opisyal ng Taguig City sa pangunguna ni Mayor Lani Cayetano, sinabi ng dating House Speaker na taliwas sa sinasabi ng kanyang mga basher, ang pagbabahagi ng P10,000 na direktang tulong sa bawat pamilyang Pilipino ay isang “legislative proposal” na kailangang aksyunan ng Senado, House of Representatives, at Malacañang.

Iba pa ang 10K Ayuda Bill sa Sampung Libong Pag-asa program na nagbahagi ng P10,000 sa ilang mga piling beneficiary mula May 1, 2021 hangang pansamantala itong itinigil noong Pebrero 2022 bilang pagsunod sa patakaran ng Comelec para sa halalan noong Mayo.

“Sa mga nangbabash sa 10k ayuda, kung kaya ko lang silang bigyan ng tag-sasampung libo, binigay ko na sa kanila. Pero sa katotohanan ito’y isang legislative proposal,” wika ni Cayetano.

“So ang hinihingi ko po doon sa mga tumutuligsa sa programang Sampung Libong (Pag-asa) during the pandemic, tumulong na lang kayo,” dagdag niya.

Nangako si Cayetano na ihahain ang 10K Ayuda Bill sa lalong madaling panahon at hinikayat sina Taguig-Pateros Rep. Ricardo ‘Ading’ Cruz Jr. at Taguig 2nd District Rep. Maria Amparo “Pammy” Zamora na i-file din ang counterpart bill sa House of Representatives.

“Today may I take the opportunity to ask that two of my pet bills, y’ung moral uprightness at y’ung sampung libong ayuda, ay i-file din ng ating partner sa Kongreso ni Congresswoman Pammy at Congressman Ading para sabay po lumarga ang ating mga pet bills,” wika ni Cayetano.

Ano ang 10K Ayuda Bill?

Bilang miyembro ng Kongreso, inihain ng mag-asawang Cayetano ang House Bill No. 8597 o ang 10K Ayuda Bill noong February 1, 2021 na nanawagang lumikha ng isang financial aid program na magbibigay ng P10,000 sa bawat pamilyang Pilipino.

Kasama nilang co-author ng bill ang mga kaalyadong sina Camarines Sur 2nd District Rep. LRay Villafuerte, Batangas 2nd District Rep. Ranie Abu, Laguna 1st District Rep. Dan Fernandez, ANAKALUSUGAN Partylist Rep. Mike Defensor, at Bulacan 1st District Rep. Jonathan Sy-Alvarado.

Ayon sa bill, ang perang ibibigay sa mga pamilya ay maaaring gamitin para sa mga pangunahing pangangailangan o pambayad sa utang na lumaki dahil sa COVID-19 pandemic.

Maaari rin itong gamitin para ipundar sa isang negosyo o kaya’y para maituloy ang kabuhayang natigil dahil sa mga lockdown.

Bagama’t malawak ang suporta para dito, hindi ipinasa ng House ang halagang P10,000 bilang bahagi ng Bayanihan 3 COVID-19 aid package. Hindi rin isinali ng Kongreso ang financial aid program na ipinanukala ng 10K Ayuda Bill sa P5-trillion 2022 national budget.

Ano naman ang Sampung Libong Pag-asa?

Dahil dito, at dahil hindi na makahintay ang mga Pilipino sa pag-apruba ng P10K Ayuda Bill, inilunsad nina Cayetano at mga kaalyado ang Sampung Libong Pag-asa program na nagbahagi ng P10,000 sa ilang piling pamilya sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Layon din ng programa na maging plataporma para hikayatin ang Kongreso na ipasa ang 10K Ayuda Bill.

Ipinalabas ang Sampung Libong Pag-asa program araw-araw sa official page ni Cayetano. Bawat episode ay may pre-selected beneficiaries at mga recipient na pinipili sa comments section.

Bawat episode ay may piling probinsiya o sektor na sumasalamin sa sasaklawin ng 10K Ayuda Bill.

Ang pondo para sa Sampung Libong Pag-asa program ay hindi galing sa gobyerno kundi kay Cayetano at mga kaalyado niya mga miyembro ng Kongreso, mga kaibigan, at mga negosyante na nag-ambag galing sa kanilang pera para makatulong sa kapwa Pilipino.

Pansamantalang itinigil ang programa noong February 7, 2022 bilang pagsunod sa campaign rules ng Comelec.

Ngayong nagtagumpay si Cayetano sa kanyang kampanya para makabalik sa Senado, sinabi niyang ibabalik niya ito bilang isang private initiative, at nangako rin siyang gagawin ang lahat para maipasa sa Senado ang 10K Ayuda Bill.