SUV

SUV inararo ang lobby ng pribadong paaralan, 7 sugatan

Edd Reyes Aug 15, 2025
279 Views

INARARO ng isang sport utility vehicle (SUV) ang lobby ng isang pribadong paaralan na nagresulta sa pagkasugat ng anim na estudyante at isang faculty staff, Huwebes ng hapon sa Caloocan City.

Nasa lobby ng Basic Education Building ng Manila Central University (MCU) Campus sa Barangay 81 ang mga biktima na pauwi na sana matapos ang kani-kanilang klase, nang biglang humarurot ang SUV na may plakang TQK 469 dakong alas-4:23 ng hapon papasok sa gusali na dahilan upang mahagip ang mga estudyante.

Pawang dinala sa MCU Hospital ang mga biktimang sina alyas “Hayley” na 8-anyos at amang si alyas “Mark” na 37-anyos, na estudyante rin sa paaralan, alyas “Xaria” na 8-anyos, alyas “Marica” na 13-anyos, alyas “Mattheus” na 17-anyos, alyas “Patrick” na 18-anyos at ang 35-anyos na faculty staff ng paaralan na si alyas “Nesh,” na pawang nagtamo ng mga pasa at sugat sa kani-kanilang katawan.

Sumuko naman ang 70-anyos na driver ng SUV na si alyas “Lolo Manny,” residente ng Brgy. 84, na susundo sana sa kanyang babaeng apo na nag-aaral din sa paaralan at inako ang kasalanan na aniya ay hindi niya kagustuhan.

Sa pahayag ng driver kay Caloocan Acting Chief of Investigation and Detection Management Section (IDMS) P/Capt. Rommel Caburog, paparada na sana siya sa tapat ng entrance ng gusali ng paaralan nang matapakan niya ang silinyador kaya nagdire-diretso ang sasakyan.

Mabuti aniya ay nakabig pa niya sa kaliwa ang manibela nang mamataan niya ang napakaraming estudyanteng naglalabasan na.

“Buti at nakabig ko sa kaliwa, kung hindi, and daming mga batang masasagi,” pahayag ni Lolo Manny.

Bagama’t handa ang driver na tulungan sa gastusin sa ospital ang mga biktima, sasampahan pa rin siya ng pulisya ng kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injures at damage to property sa Caloocan City Prosecutor’s Office.