Calendar
Taga-Smokey Mountain binigyan ng permanenteng tirahan ni Yorme Isko
BINIGYAN ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ng isang unit sa Tondominium I noong Lunes ang isang residente ng Smokey Mountain na matagal ng nagsisikap magkaroon ng permanenteng bahay.
Tinanggap ni Jessie Postrero sa alkalde ang susi ng unit na isinuko ng original beneficiary na si Felisa Esquivel na lumipat ng ng bahay dahil umasenso na at ayaw nang tumira sa socialized housing.
Ni-refund din ng alkalde kay Esquivel ang P51,350 na total payment sa unit sa loob ng ilang taong paninirahan sa condo unit.
Una ng nag-apply si Postrero sa programang pabahay ng lokal na pamahalaan subalit hindi pinalad na mapili sa ginanap na raffle draw sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Labis ang kasiyahan ni Postrero ng tanggapin ang susi ng bagong tirahan na kanyang pamilya. Ikwinento ng beneficiary sa alkalde ang hirap na dinanas ng kanyang pamilya habang nagtitiis sa masikip na shanty sa Smokey Mountain na walang tubig.
Ang 15-storey Tondominium ay isa sa flagship housing na proyekto ng Maynila na nakumpleto noong Pebrero 7, 2022 matapos simulan noong Hunyo 1, 2020.
Mayroon itong 168 na unit na may tig-42 metro kwadrado kada unit na tig-dalawang kwarto, dalawang elevator, day-care center, playground, livelihood center, parking slots, maintenance room at satellite office ng lungsod na may buwanang upa na P2,000 kada unit.
