Calendar
Source: Paranaque PIO
Parak-Paranaque nailigtas dinukot na Tsino mula Paranaque condo
NAILIGTAS ng mga pulis ang Chinese national sa isang condominium noong Linggo sa Paranaque City na na dinukot ng kanyang mga kababayan.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) Acting District Director P/BGen. Randy Arceo ang biktima na si alyas Wu, 31, na nasagip ng mga tauhan ni Paranaque police chief P/Col. Nicolas Pinon dakong alas-10:36 ng umaga sa isang condominium sa Pacific Drive. Brgy. Don Galo.
May tama ng bala sa paa ang biktima kaya isinugod sa Premiere Medical Center.
Bago mailigtas, nakita ng mga pulis sa CCTV sa isa pang hindi binanggit na condominium si Wu na pumasok kasama ang kasintahang si alyas Yan at dalawa pang lalaking kababayan nila Linggo ng umaga.
Makaraan ang isang oras, nakita ang biktima na duguan na inilabas, kasama ang mga suspek, na nagsabi umanong dadalhin nila sa ospital ang biktima.
Nakuha sa loob ng unit na pinangyarihan ng pamamaril ang ilang sachet ng shabu paraphernalia at Alien Certificate of Registration ng isang alyas Cui, 41.
Sa follow-up operation, natukoy ng pulisya sa isa pang condominium sa Brgy. Don Galo ang isa sa suspek na si alyas Zhao, 36, at nakuha sa loob ng kanyang tinuluyang unit ang mas maraming sachet ng shabu, drug paraphernalia, 131 piraso ng iba’t-ibang kalibre ng bala at anim na magasin para sa .9mm pistol.

