Calendar
Yorme Isko sa mga kawani ng Maynila: Opisina gawing laging malinis
PINAALALAHANAN ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang lahat ng kawani ng lokal na pamahalaan na dapat malinis at maaliwalas ang kani-kanilang tanggapan.
Ayon sa alkalde, dapat ituring ng mga kawani ng Manila ang kanilang opisina na sarili nilang tahanan lalo na’t narito sila ng walong oras sa isang araw at limang araw sa loob ng isang linggo
“Hindi naman mahirap gawin yan dahil isang kembot mo lang makikita mo na kung ang iyong opisina ay dugyot. Lagi naman nating ginagawa iyan sa loob ng tahanan natin. Ituring natin na ang City Hall ay parang bahay natin,” sabi ni Mayor Isko.
Binigyang-diin ng alkalde na dapat ay magsilbi silang halimbawa lalu na’t lagi nilang pinakikiusapan ang taumbayan na maglinis at gawing maaliwalas ang kanilang komunidad at kapaligiran.
Umaasa rin si Yorme Isko na mananatili ang pagtulong sa kanya ng mga kawani na makapaglingkod ng maayos, matapat, at episyente sa kanilang mga kababayan na umaasa ainiya sa kanila.
Bilang pangako, umasa ang mga kawani na ang lahat ng kanilang pagpupunyagi ay susuklian niya ng pagsisikap, episyenteng paggastos na gugugulin para lamang sa mga dapat pagkagastusan at mapanatiling maging masinop sa pagkolekta ng kanilang pangangailangan.

