Suicide

Bangkay ng nursing student lumutang sa ilog

Edd Reyes Aug 18, 2025
409 Views

LUMUTANG sa ilog ang bangkay ng 21-anyos na binatang nursing student na ipinalalagay na nag-suicide noong Lunes sa Malabon City dahil umano sa depression.

Dakong alas-7:35 ng umaga nakita ng barangay tanod na nakalutang ang bangkay n college student na si alyas Anton sa Tanong River sa C-4 Road, Brgy. Tañong.

Sa ulat nina P/MSg. Mardelio Osting at SSg. Sandy Bodegon kay Malabon police chief P/Col. Allan Umipig, may iniwang 12-page suicide note si Anton na nagdedetalye sa mga pighati niya sa buhay at hiniling sa pamilya na huwag ng hanapin ang kanyang bangkay.

Marami umanong nakalagay sa suicide note at kahilingan sa pamilya na kung sakaling makita ang kanyang bangkay, i-cremate ito agad at huwag ng paglamayan.

Binura lahat ng biktima ang lahat ng laman ng kanyang laptop, maliban sa kanyang suicide note at hindi nagdala ng anumang pagkakakilanlan kaya’t tanging ang suot lamang niyang itim na leather jacket na may hoodie, itim na pantalon, at sapatos ang iniwan niyang palatandaan.

Inamin naman sa pulisya ng ama ng biktima na dumaranas na matinding depresyon ang anak at minsan na rin umanong tinangkang magpatiwakal bagama’t kanilang naagapan.