Just In

Calendar

May 2026
M T W T F S S
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031
Edd Reyes

Maging Palasyo di tututulan ang Cha-cha

Edd Reyes Aug 20, 2025
288 Views

LUMALAKAS na naman ang panawagan ng pagbabago sa Saligang Batas dahil sa paniwala ng mga eksperto na maraming butas sa mga probisyon ng kasalukuyang konstitusyon na nagagamit ng mga pulitiko para sa sariling kapakanan.

Sa dami kasi ng mga gray areas sa mga probisyon ng Saligang Batas, kadalasan ay pumapabor sa mga inaakusahang pulitiko ang inilalabas na desisyon ng Korte Suprema na silang nagbibigay ng kahulugan sa mga umiiral na batas kapag idinulog sa kanila ang usapin.

Kung tutuusin, talaga namang napapanahon na ang pagpapalit ng Saligang Batas na nilikha noon pang 1987 kaya’t hindi na talaga ito angkop sa kasalukuyang henerasyon kung saan marami ng naganap ng pagbabagong dulot na rin ng mga makabagong teknolohiya.

Maging ang mga dating tumututol sa Charter change ay tila bukas na rin sa panukala, dangan nga lang ay nais sana nilang unahin muna ang paglutas sa napakaraming problemang kinakaharap ng bansa partikular sa walang tigil na pagtaas ng mga bilihin at katiwalian sa pamahalaan.

Maging ang Palasyo nga ng Malacanang, sa pamamagtan ni Usec Atty. Claire Castro, ay nagpahayag na hindi tututulan ng Pangulong Bongbong Marcos ang Charter change upang hindi mabutasan ang mga probisyon.

Ilan sa mga nais baguhin at linawin sa Saligang Batas ay ang probisyon sa paghahain ng impeachment laban sa impeachable official na tila pinahirapan ng husto ng Korte Suprema sa kanilang inilabas na desisyon na unconstitutional ang paghahain ng impeachment ng Kamara laban kay Vice President Sara Duterte.

Maging si Comelec Chairman George Erwin Garcia ay nais ding mabago na ang batas sa ilalim ng Omnibus Election Code dahil sa dami aniya ng mga gray areas sa mga probisyon nito na nagbibigay daan para makalusot sa pananagutan ang mga pulitikong lumabag sa batas.

Pero may mga mambabatas na nagpapanukala na sa halip na Charter change, amiyendahan na lang ang mga probisyon sa Saligang Batas upang maging malinaw ang kahulugan at nilalaman nito.

Sen. JV Ejercito, imbiyerna sa pribadong sasakyan na panay ang wang-wang

MAGING aral na sana sa mga nagmamay-ari ng magagarang sasakyan ang pagkakatunton ng Highway Patrol Group (HPG) sa isang negosyante sa San Juan City na naglagay ng wang-wang sa kanyang sasakyan para lang makapanlamang at makapam-bully ng mga kaagapay na motorista.

Nanggigil kasi sa sobrang inis ni Sen. J.V. Ejercito nang makasabay nila ang isang Land Cruiser na panay ang wang-wang sa kalsada para makalusot kaagad sa daloy ng trapiko na malinaw na pambu-bully sa mga motorista nito lang nakaraang linggo.

Sabi ng Senador, isang uri ng pag-abuso sa kapangyarihan at panlalamang sa kapuwa ang ginagawa ng mga tsuper ng magagarang sasakyan na nilalagyan ng wang-wang kaya ipiinabatid niya ito sa HPG.

Ang ending, ayun, natunton ng mga tauhan ng HPG ang SUV na pag-aari pala ng isang negosyante mula sa San Juan. Siyempre, ikinaila ng negosyante na siya ang nagmamaneho ng sasakyan at handa raw siyang isuko ang wang-wang sa pulisya.

Kaya yung mga iba pa riyan na panay ang gamit ng wang-wang sa magagara iyang sasakyan para lang makalamang sa kapuwa, maka-tiyempo rin sana kayo ng katulad ni Sen. JV para mapabilis ang kilos ng kapulisan sa pagtugis sa inyo.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com