Vic Reyes

Mag-ingat sa pekeng taga-BOC na nanghihingi ng pera kapalit ng pabor

Vic Reyes Aug 24, 2025
374 Views

MALIGAYANG bati sa ating mga suki, lalo na sa mga kababayan natin sa Japan at iba pang panig ng daigdig.

Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.

Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, Mama Aki ng Ihawan, Glenn Raganas, Patricia Coronel, La Dy Pinky, Endo Yumi, , Roana San Jose, Winger dela Cruz, Yoshiko Katsumata, Josie Gelo, Hiroki Hayashi, at kay Hiroshi Katsumata.

Binabati rin natin si Joann de Guzman at mga kasama niya sa Oman; Dolores Monfero, Delia Sunga ng Saudi Arabia.

God Bless sa inyong lahat!

(Para sa inyong komento at pagbati, mag-text sa:+63 9178624484/email:philipreyes08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

***

Nagbabala ang Bureau of Customs (BOC) sa publiko at stakeholders tungkol sa mga nagpapanggap bilang mga opisyal ng BOC, na nanghihingi ng pera kapalit ng umano’y “special treatment” o pinabilis na pagproseso ng mga kargamento.

Maging ang pangalan ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno ay ginagamit upang ipanghingi ng pera.

Nakatanggap ang BOC ng mga ulat tungkol sa solicitation scheme na tinatawag na “Enrollment” upang mapabilis ang paglabas ng kargamento.

Matatandaan na mayroong kahalintulad ng iskema sa panahon ni dating BOC Comm. Bien Rubio na ang balita nga ay mula P5-M hanggang hanggang P10-M ang “enrollment fee”.

Ito’y proteksyon sa mga iligal ng kargamento at sa mga kargamento na hindi binabayaran ng tamang duties and taxes.

Mabuti na lang at nabuko ni Comm. Ariel ang iskema.

Mahigpit na kinokondena Nepomuceno ang iligal na aktibidad na ito.

“Ang Bureau of Customs, sa ilalim ng aking pamumuno, ay hindi kailanman kukunsintihin ang anumang pangingikil, panunuhol, o pangangalap kapalit ng mga espesyal na pabor,” sabi ni Commissioner Nepomuceno.

“Anumang pagtatangka na pagsamantalahan ang pangalan ng BOC o ang aking posisyon para sa personal na pakinabang ay direktang pag-atake sa integridad ng ating institusyon, at ito ay sasagutin ng mabilis at walang kompromisong aksyon. Hindi ko hahayaang mag-ugat o magpatuloy ang mga may pakana nito sa ilalim ng aking pamumuno.”

Bilang tugon sa mga ulat na ito, sinimulan ng BOC ang imbestigasyon upang matukoy at panagutin ang mga nasa likod ng iskema.

Pinapaalalahanan din ang mga stakeholder na sa kabila ng mga naunang babala, sinumang tao na makipag-ugnayan o kumilos sa mga mapanlinlang na alok na ito ay papananagutin.

Inutusan ni Commissioner Nepomuceno ang lahat ng tauhan ng BOC na panindigan ang pinakamataas na pamantayan ng integridad at nagbabala na anumang pagkakasangkot sa naturang mga iskema ay magreresulta sa agarang administratibo at kriminal na parusa.

Hinimok rin ni Comm. Ariel, ang mga stakeholder at ang publiko na manatiling mapagbantay at agad na iulat ang anumang kahina-hinalang alok o solicitations na may kaugnayan sa scheme na ito sa pamamagitan ng Customer Assistance and Response Services (BOC-CARES) ng BOC sa hotline #8705-6000 o mag-email sa complaints@customs.gov.ph.

Nananatiling matatag ang BOC sa pangako nito sa transparency, accountability, at mahigpit na pagpapatupad ng customs laws.

Sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Nepomuceno, nagsusumikap ang BOC na alisin ang katiwalian at ibalik ang tiwala ng publiko.

***

Nasabat ng Bureau of Customs (BOC), sa pamamagitan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa Subport of General Santos, sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), at iba pang enforcement units, ang humigit-kumulang 150 master cases ng samu’t saring smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P5,932,790.

Noong Agosto 14, 2025, kumilos ang pinagsanib na koponan sa bisa ng impormasyon ukol sa isang wing van na nakatigil sa lugar.

Ang sasakyan ay natagpuang bahagyang nakabukas, na nagsiwalat ng mga rice hulls na nagtatago ng mga kahon ng sigarilyo. Dinala ang trak at mga operator nito sa General Santos City para sa karagdagang imbestigasyon at imbentaryo ng mga kalakal.

Ang mga smuggled na sigarilyo at ang wing van ay nai-turn over sa BOC – General Santos sa pamamagitan ng Enforcement and Security Service (ESS) para sa pag-iingat.

Samantala, nasa kustodiya na ngayon ng PNP ang dalawang indibidwal na nagmamaneho ng sasakyan para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.

Dahil dito, maglalabas ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) para sa paglabag sa Seksyon 400, Seksyon 117, at Seksyon 1113 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), kaugnay ng mga nauugnay na regulasyon ng National Tobacco Administration.

Si utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sinabi ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno, patuloy na nakatuon ang BOC sa pagprotekta sa mga kita ng pamahalaan at kapakanan ng mamamayan. Patuloy nilang wawakasan ang korapsyon, labanan ang smuggling, at itaguyod ang mabuting pamamahala.

Sinabi naman ni Acting Subport Collector Ralph S. Rojo, sa ilalim ng gabay ni Port of Davao District Collector Maita S. Acevedo, “Ang Bureau of Customs ay nakatuon sa pagtataguyod ng lehitimong kalakalan at pagprotekta sa kapakanan ng mga Pilipino, kaya’t magpapatuloy tayo sa pagpapalakas ng ating mga pagsisikap sa pagpapatupad.”