Atty. Oducado

Front-of-package warning sa mga nabibiling pagkain iminungkahi ni Oducado

Mar Rodriguez Aug 22, 2025
271 Views

IKINABABAHALA ni neophyte 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nat” M. Oducado ang lumolobong bilang ng mga nagkakasakit at obesity lalo na sa mga kabataan bunsod ng mga “unhealth foods”. Kaya inihain nito ang panukalang batas para magkaroon ng “front-of-package” warning sa mga nabibiling pagkain gaya ng tsitseria at iba pang kauri nito.

Sinabi ni Oducado na layunin ng isinulong nitong House Bill No. 2660 na magkaroon ng babala (warning) sa mga pakete o labels ng iba’t-ibang pagkaing produkto tulad ng tsitseria, delata, noodles, processed foods at iba pang kagaya nito para magsilbing paalala sa mga consumers lalo na para sa mga bata na ang binibili nilang food product ay mataas sa fat, sodium at sugar.

Ipinaliwanag ng kongresista na ang pangunahing layunin ng kaniyang panukalang batas ay ang ma-regulate ang mga naturang food products para na rin sa kapakanan at interes ng mga bata kung saan hindi maikakaila na maraming mga kabataan ngayon ang nahuhumaling sa mga ganitong pagkain na hindi mabuti sa kanilang kalusugan o isang “unhealthy food”.

Sinabi ni Oducado na ang pagkain ng mga unhealthy foods ang pinagmumulan ng tinatawag na Noncommunicable Diseases (NCDs) katulad ng cancer, cardiovascular diseases, diabetes at chronic respiratory diseases kung saan tinatayang 68% ang naitalang namatay nang dahil sa mga nabanggit na sakit habang ang obesity naman ang itinuturing na pangunahing dahilan o key factor ng NCDs sa bansa.

Ikinababahala din ng Party List solon na laganap ang overweight at obesity sa mga kabataan mula 5 hanggang 10 taong gulang kung saan ito ay tumaas mula 5.7% noong 2003 at 12.9% nito lamang 2023.

Pagbibigay diin pa ni Oducado na mistulang hindi nakakamit ng bansa ang tinatarget nitong “Plan of Action for Nutrition” mula 2023 hanggang 2028 para ma-address ang overweight at obesity sapagkat maraming Pilipino ang tumataba at nagkakasakit at hindi malayong umabot ang problemang ito hanggang 2030 kung hindi agad na makakapag-latag ng nararapat na solusyon para dito.

Ikinatuwiran pa ni Oducado na habang tumatagal ay nagiging “vulnerable” ang mga Pilipino sa pagkakaroon ng NCDs bunsod narin ng mga prepackaged food products na nagtataglay ng mga sangkap o ingredients na unhealthy na mataas sa sodium at sugar.

Ipinahayag pa ng mambabatas na isa rin sa mga dahilan kung bakit maraming consumers ang nae-engganyong tangkilikin at kumain ng mga unhealthy foods ay dahil narin sa mga advertisements. Bagama’t wala naman itong nutrition information na nagsasaad ng iba’t-ibang ingredients na ginamit para sa naturang produkto.

Iginiit ni Oducado na tungkulin ng estado na pangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan lalo na ang mga kabataan kaya napakahalagang magkaroon ng warning labels sa mga produktong nabibili para paalalahan sila tungkol sa mga sangkap na ginamit para dito.